Home OPINION CSHP AT HB 5221, PROTEKSYON PARA SA LAHAT

CSHP AT HB 5221, PROTEKSYON PARA SA LAHAT

217
0

NAKABABAHALA ang nakaraang mga trahedya sa construction industry. Ang malalagim na aksidente ay naglalantad ng patuloy na kakulangan sa pagpapatupad ng programang pangkaligtasan. Hindi na uubra ang pagsasawalang-kibo sa mga aksidenteng naitala kaya nararapat lamang na magkaroon muli ng pag-uusap ang mga awtoridad at stakeholder upang talakayin ang pangmatagalang solusyon.

Ilan sa mga dapat lingunin ang nangyari sa Bonifacio Global City kung saan isang worker ang nasawi at apat ang sugatan dahil sa pag-collapse ng elevator core wall nito lamang October 2025. Dalawang buwan bago ito, tatlong estudyante sa Quezon City ang nahulugan ng debris mula sa isang condominium na ikinasawi ng isa at ikinasugat naman ng kaniyang mga kasama. Nangyari ito sa isang mataong lugar, patunay na hindi lamang manggagawa kundi pati publiko ang nalalagay sa panganib kapag hindi natutukan ang safety controls. Base sa pagsusuri ng Quezon City Police District, ang vibration mula sa drilling at pag-install ng antena ang posibleng dahilan ng pagbagsak ng debris mula sa nasabing gusali.

Hindi rin ito naiiba sa mga nauna pang insidente. Sa Antipolo City noong July 2024, apat na construction workers ang nasawi matapos matabunan ng gumuhong lupa sa isang construction site — isang trahedyang karaniwang iniuugnay ang kakulangan sa soil assessment, slope protection, at maayos na excavation safety planning.

Ang mga insidenteng ito ay maaaring maiwasan kung mahigpit na ipinatutupad ang Construction Safety and Health Program na hinihingi ng labor department. Ang CSHP ay hindi lamang dokumento, ito ay sistematikong plano na tumutukoy sa mga panganib at kung paano gagawing ligtas ang bawat aktibidad.

Sa mas malawak na antas, panahon na rin upang maisabatas ang House Bill 5221 na may layong paigtingin ang umiiral na Occupational Safety and Health Law sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mas mabigat na parusa tulad ng malakihang multa at imprisonment sa mga mahahatulang employer, contractor at subcontractor na nagkasala o nagcommit ng OSH violation.

Isa sa mga nagsusulong nito ay ang grupong IOHSAD (Institute for Occupational Health and Safety Development). Layunin ng panukalang batas na palakasin ang occupational safety and health system ng bansa, maglatag ng mas malinaw na pananagutan sa mga nagpapatrabaho, at tiyaking may sapat na kapangyarihan ang pamahalaan upang pigilan ang mapanganib na mga operasyon.

Sa huli, ang konstruksyon ay hindi dapat katumbas ng panganib sa buhay. Ang kombinasyon ng maayos na CSHP, mahigpit na local government unit oversight, at makabagong batas tulad ng HB 5221 ang susi upang matigil ang paulit-ulit na trahedya sa industriya.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here