Home OPINION POLICE PROBERS NGAYON, WALANG BINATBAT SA MGA DETEKTIB NOON

POLICE PROBERS NGAYON, WALANG BINATBAT SA MGA DETEKTIB NOON

293
0

ILANG araw nang nawawala ang isang accounting firm staff na si Sherra de Juan, 30, na dapat sana’y ikinasal noong Disyembre 14 sa kanyang long-time boyfriend. Ngunit hanggang ngayon, wala pa ring malinaw na lead ang Quezon City Police District sa kanyang kinaroroonan.

Ayon sa ulat, nagtungo umano si De Juan sa isang mall noong Disyembre 10 upang bumili ng sapatos para sa kanyang kasal. Mula noon ay hindi na siya nakauwi. Naiwan o iniwan pa ang kanyang mobile phone, dahilan upang lalong tumindi ang pangamba sa kanyang kalagayan.

Itinuturing ngayon ng QCPD na person of interest ang nobyo nitong mahigit siyam na taon na si Mark Arjay Reyes, na nauna pang nag-alok ng P20,000 pabuya sa sinomang makapagbibigay ng impormasyon ukol sa pagkawala ng kanyang bride-to-be.

Bumuo na rin ang pulisya ng isang special investigation team at may hawak na CCTV footage ni De Juan habang naglalakad. May mga testigong nakapanayam, ngunit sa kabila nito, wala pa ring malinaw na development.

Gaya ng inaasahan, paulit-ulit ang pahayag ng pulisya: patuloy pa ang imbestigasyon at pangangalap ng impormasyon. Ngunit sa kabila ng mga makabagong gadget at teknolohiya ngayon, kapansin-pansing mabagal ang galaw.

Masakit mang ikumpara, hindi maiiwasang sabihing mas episyente ang mga detektib noon. Bilang dating beat reporter sa Quezon City at Maynila, nasaksihan ko kung paano nalulutas ang mga kaso sa loob ng 24 hanggang 48 oras. Kabisado ng mga batikang imbestigador noon ang bawat sulok ng kanilang area of responsibility. Wala mang high-tech na kagamitan, malinaw ang direksyon at mabilis ang aksyon.

Ngayon, marami sa mga opisyal ng QCPD ang hindi kabisado ang kanilang AOR, kaya’t naliligaw at nangangapa. Kung mismong kaalaman sa lugar ay kulang, paano aasahan ang mabilis na solusyon sa kaso? Paano matutunton ang nawawala kung hindi pamilyar ang naghahanap?

Ang mas nakadidismaya, tila mas nagiging mahusay pa ang ilan sa paniningil ng lingguhang “tokahan” sa mga iligal—at maging sa hindi iligal—na gawain, kaysa sa seryosong imbestigasyon. Syempre ang mga negosyante ayaw ng abala. (Itanong nyo pa sa sinasabing kolektor na si Marlon)

Dapat bigyan ng malinaw na palugit ang QCPD upang patunayan ang kanilang kakayahan. Ngunit kung patuloy ang kabagalan at kawalan ng resulta, makabubuting ipasa na ang kaso sa ibang yunit ng Philippine National Police na mas may kakayahan at determinasyong maghatid ng hustisya—lalo na sa panahong bawat oras ay mahalaga.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here