TOTOO bang mula sa P513 bilyong panukalang pondo para sa taong 2025 ng Department of Agriculture nina Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr., tinokhang ito ng Malakanyang at ginawa na lang itong nasa P200B?
Halos katumbas o mas maliit pa nga ang badyet sa 2025 kung ikukumpara sa badyet ngayong 2024 na umabot sa P213B.
Kaya naman, mismong si Sec. Tiu-Laurel na ang nagsasabing maninikluhod sila sa Bicameral Conference Committee para madagdagan ang P200B pondo.
Nais kasi nina Secretary na makamit ang pinangangarap nilang pag-arangkada ng agrikultura o pagkain ng buong sambayanan.
Kasama sa mga inilalakad nina Secretary ang modernisasyon ng buong Agriculture, Forestry at Fishing (AFF) na magtitiyak ng sapat na pagkain para sa lahat at katatagan sa produksyon ng pagkain.
Upang matiyak ang nasabing mga layunin, naririyan ang balak na pagtatayo ng karagdagang dryers, cold storage facilities, machinery, food terminals at Kadiwa center.
Mahalaga rin ang papel ng National Irrigation Administration para sa water security na buhay ng palay at iba pang mga pananim.
Nakakabit din sa usaping tubig ang pagiging matatag na Local Water Utilities Administration’s (LWUA) Water Supply and Sanitation Program para sa malinis na inuming tubig.
Naririyan din ang pagtiyak ng sapat na suplay ng bigas sa pamamagitan ng National Food Authority para maabot kaya ang presyo nito ng higit na nakararami at mapalaki ang kita ng mga magsasakang Pinoy.
Kinakailangan ding mapaunlad nang husto ang National Fisheries Research and Development Institute sa Fisheries Biotechnology R&D Program na isa sa mga pangunahing sandalan para sa tiyak na suplay ng ulam mula sa mga katubigan at pangisdaan.
Gayundin na maparami ang mga farm-to-market road at seguro sa mga pananim sa ilalim ng Philippine Crop Insurance Corporation.
Dapat ding mapatatag ang Agricultural Credit Policy Council para pangasiwaan ang Agro-Industry Modernization Credit and Financing Program (AMCFP).
PAANO MAGTATAGUMPAY ANG DA?
Malaking katanungan kung magtatagumpay ang DA sa pagkamit ng mandato nito na paunlarin nang todo ang produksyon sa pagkain, patatagin ang presyo ng mga pagkain sa apordabol na halaga sa matagal na panahon at mapaunlad ang kalagayan ng mga magsasaka upang mahikayat silang magpatuloy sa paglikha ng mga pagkain para sa lahat ng mamamayan.
Ipagpalagay na nating magiging pareho ang badyet sa agrikultura para sa taong ito at sa 2025, ano ang mangyayari sa harap ng katotohanang lumalaki ang populasyon ng bansa ng nasa dalawang milyon taon-taon?
Sa rami ng dagdag na mamamayang kumakain at milyones ang nagugutom sa kasalukuyan, hindi kaya darami rin ang bilang ng magugutom sa 2025 dahil sa epekto ng tinokhang na badyet sa produksyon ng pagkain?
Maganda ang salitang tokhang dahil kahulugan nito ang pagsusumamo para sa pagbabago sa problema sa droga ngunit naging pangit ito sa kamay ng mga abusado.
Hindi kaya isang anyo ng pang-aabuso ang pagkalos ng mahigit kalahati ng panuklang badyet o pagpapanatili na bansot at anemic ang badyet?
Alalahaning, sa bandang huli, ang gutom o ginhawa sa sikmura ng mga mamamayan ang isa sa pinakamahahalagang sukatan ng pamamahala sa bayan.