MANILA, Philippines – Halos 60 sex worker na sinasabing ibinubugaw sa mga dayuhan ang nailigtas mula sa tatlong nightclub sa Makati City kung saan tatlo rito ang nadiskubreng menor de edad.
Bandang alas-4 ng umaga nang salakayin ng National Bureau of Investigation (NBI) Anti-Organized and Transnational Crimes Division and Social Welfare Office ang umano’y high-end prostitution den sa Makati City.
Napuno ang mga establisyimento ng mga lalaking dayuhan at lokal na kababaihan.
“Yung bar, hindi lang pala siya inuman, nag o-offer din ng babae at ang sinasabi dun, pag tinake out ang babae, P10,000 to P25,000. Tapos, bar fine P7,500,” ani Attorney Jerome Bomediano, NBI Anti-OTCD Chief.
“Ang modus nito, itong mga bar na ito, hindi ito nag-o-offer ng babae sa Pinoy, foreigner lang. So kung Pinoy ang papasok, ‘di ka papansinin,” ani Bomediano.
May kabuuang 59 kababaihan ang nailigtas sa operasyon.
“Based dun sa dental records, 3 ang minor dun sa 59 na rescue natin,” dagdag pa.
Labindalawang tao din ang naaresto, kabilang ang umano’y may-ari, isang Iranian citizen, at 11 Pinoy.
Isinagawa ng NBI ang raid matapos silang makatanggap ng reklamo mula sa mga dating empleyado ng bar.
Sinampahan na ng kasong paglabag sa Anti-Human Trafficking Law ang mga suspek na tumangging magbigay ng kanilang panig. RNT