MANILA, Philippines — Namahagi ang Department of Agriculture (DA) ng mahigit 60,000 piraso ng pananim na ube o purple yam na nagkakahalaga ng halos P2.6 milyon sa mga magsasaka sa Leyte at Bohol upang palakasin ang produksyon at mapalawak ang export market ng naturang produkto.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., lumalakas ang demand para sa ube sa lokal at pandaigdigang merkado, lalo na sa mga produktong gaya ng ice cream at pastries na may ube flavor.
“With ube now enjoying global recognition, we see an opportunity to expand production, increase exports, and help reduce the country’s more than USD10-billion annual agricultural trade deficit,” ani Tiu Laurel.
Ipinamahagi ng Bureau of Plant Industry (BPI) ang mga planting materials sa humigit-kumulang 900 magsasaka na kabilang sa mahigit 60 samahan ng mga magsasaka sa mga pangunahing lugar na nagtatanim ng ube sa Visayas.
Sinabi ni Tiu Laurel na ang pagpapalakas ng suporta sa mga produktong agrikultural na may mataas na potensyal sa export ay makatutulong upang mapataas ang kita ng mga magsasaka at mapalago ang ekonomiya, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ayon naman kay BPI Director Glenn Panganiban, layunin ng programa na mapalakas ang produksyon at industriya ng ube sa bansa.
“As ube gains worldwide recognition, we must ensure Filipino farmers are positioned to take advantage of the opportunities it creates,” sabi ni Panganiban.
Bukod sa pamamahagi ng planting materials, patuloy ring nagbibigay ang BPI ng teknikal na suporta at mga pagsasanay upang mapataas ang ani ng mga magsasaka at matulungan silang makapasok sa mga bagong merkado.
Isinasagawa ang programa sa pakikipagtulungan ng Philippine Root Crop Research and Training Center sa ilalim ng High Value Crops Development Program ng DA. Santi Celario