Home OPINION DAAN-DAANG LIBO ANG NAMAMATAY KADA TAON SANHI NG LUMALALANG KRISIS NG...

DAAN-DAANG LIBO ANG NAMAMATAY KADA TAON SANHI NG LUMALALANG KRISIS NG PAG-IISA

LUMABAS sa pinakahuling ulat na inilabas ng World Health Organization (WHO), na isa sa bawat anim na tao sa buong mundo ang nakararanas ng matinding pag-iisa sa buhay, at daan-daang libo ang namamatay kada taon sanhi nito.

Ayon sa WHO Commission on Social Connection, ang “pag-iisa” at “sosyal na pag-iisa” (social isolation) ay may malubhang epekto sa kalusugan ng tao, kabilang ang pagtaas ng panganib sa stroke, sakit sa puso, diabetes, pagkasira ng kognitibong kaka­yahan, at mental health disorders.

Tinatayang umaabot sa mahigit kumulang 871,000 pagkamatay kada taon ang inuugnay sa kawalan ng ugnayang panlipunan, base sa datos ng WHO.

Bukod dito, sinasabing isa sa bawat tatlong nakatatanda at isa sa bawat apat na kabataan ay apektado ng social isolation.

Iginiit ng WHO na ang mga pamahalaan ng mundo ay dapat kumilos agad upang tugunan ang lumalalang krisis ng pag-iisa, at gawin itong isang prayoridad sa paggawa ng mga patakarang panlipunan. Nanawagan din ang mga eksperto para sa mas ma­raming pananaliksik sa mga estratehiyang makatutulong upang mapatatag ang ugnayan ng mga tao.

Sabi pa ng WHO, matagal nang binalewala ang kahalaga­han ng ‘social health’ o kalusu­gan sa aspeto ng pakikipagkapwa, napapanahon na upang ito ay pag-usapan at itama.

Isa sa mga bansang nagsa­sagawa na ng konkretong aks­yon ay ang Sweden. Inilunsad ng kanilang pamahalaan ang isang 30 milyon Euro na programa upang labanan ang pag-iisa, ka­bilang ang outreach para sa mga nakatatanda at pagbibigay ng “activity cards” para sa mga kabataang edad 16 hanggang 18. Ang mga card na ito ay ma­­aaring gamitin sa mga aktibidad na pangkomunidad, pam­palakasan, panlabas, at pangkultura, ngunit tanging sa mga ak­tibidad lamang na may kasamang ibang tao.

Sabi ng social affairs mi­nistry ng Sweden, layunin nilang hubugin ang mga kabataan sa aspekto ng social interaction at palakasin ang ugnayan sa pagitan ng iba’t ibang henerasyon. Naniniwala silang ang pakiramdam ng pag-iisa ay hindi problema ng iilang indibidwal kundi ng buong lipunan.

Nababahala ang mga eks­perto sa patuloy na tumataas na bilang ng mga bata at Kabataang dumaranas ng kalungkutan sa Pilipinas. Makikita ito sa mataas na bilang ng mga nagpapatiwakal na umaabot sa mahigit kumulang 2,000 bawat taon kung saan nasa mahigit 400 ang natuloy, habang nasa 1.66 million ang out-of-school youth sa bansa.