Home OPINION PAGLILINIS SA MAYNILA

PAGLILINIS SA MAYNILA

ABALA ang nagbabalik na Mayor ng Maynila, si Isko Moreno, sa paglilinis sa siyudad — sa aspetong literal. Ilang oras pa lang matapos magbalik sa pwesto, umaksyon siya kaagad, ipinakuskos ang mga kalsada at pinaliguan ang Divisoria. Ang mga litrato ng napakalinis na Recto Avenue ay larawan ng isang siyudad na nagbalik sa kaayusan. Walang duda ang eksena: Gising na muli ang Maynila — at sa pagkakataong ito, wala na ang mga umagang kabi-kabila ang nagkalat na basura.

Nagbalik sa alaala ang taong 2019, sa pagsisimula ng unang termino ni Moreno, nang may parehong sigla — noong sentro siya ng atensyon bilang simbolo ng pag-asa, tinutugunan ang dugyot na Maynila bitbit ang walis at handang tutukan ang paglilinis.

At hindi lang ito simbolikong paglilinis. Sa Day 1 pa lamang, pinirmahan ni Moreno ang 20 executive orders — tinugunan ang tungkol sa kalinisan, pagnenegosyo sa lansangan, red tape, at kaligtasan. ‘Yan ang tinatawag na aksyon agad. Na, sa totoo lang, ay hindi naging madali kung hindi nilimas umano ang mismong tanggapan ng alkalde.

Ang sabi, wala raw iniwan na kahit ano ang huling nag-opisina roon — kahit na isang upuan o file cabinet. Sariling pera ba niya ang ginastos sa pagpapaayos ng lugar? Kung ganun, eh ‘di patas lang. Pero hindi lamang basta walang laman ang opisina — iniwan din niya ang siyudad sa kawalang kaayusan, higit sa aspetong pinansyal kaysa pisikal.

Napaulat na baon ang Maynila sa aabot sa P950 milyon pagkakautang, kung saan P561 milyon ang kinakailangang bayaran sa Leonel Waste Management Corp. pa lamang. Nag-walk out daw ang contractor, ayon sa dating mayor. Anoman ang rason, nagkandautang-utang ang lungsod.

Buti na lamang at ang alkalde ngayon ng Maynila ay kilala sa kahusayang solusyunan ang anomang problema. At para sa isang isinilang at lumaki sa lungsod, gusto ko — gaya ng maraming iba pa — ng tunay na pagbabago. Hindi tipong pang-That’s Entertainment. Hindi pampelikula lang. Kundi totohanan.

At ngayong may panibagong simula sa Maynila, dapat din na sumabay ang mga namumuno rito.

Si Mayor Isko, sa kanyang tapang at hindi-matatawarang determinasyon, ay hindi kailanman nagkulang sa pagmamalaki na ang mga unang aral na natutunan niya tungkol sa serbisyo publiko ay nagmula sa taong pinagkakautangan niya sa kinalalagyan niya sa ngayon — ang yumaong si Vice Mayor Danny Lacuna. Sa napakaraming paraan, ang nakatatandang Lacuna ay nagsilbing mentor at father figure sa isang dating seaman na naging alkalde. Kaya naman nang manalong alkalde si Isko noong 2019, bitbit niya sa kanyang tabi si Honey Lacuna bilang kanyang bise alkalde.

Inindorso niya ang kandidatura sa pagkaalkalde nito noong 2022, nang kumandidato siya sa pagkapresidente. Pero naging mitsa ang pulitika — gaya ng naging tradisyon na — para magkaalitan ang dalawang dating magkaalyado. Sinira sila ng nakaraang eleksyon. Sa kabila nito, hanggang ngayon ay tinatawag pa rin siya ni Isko bilang kanyang “Ate Honey.”

Umaasa ang kolum na ito na sa paglipas ng panahon ay mapapawi na ang naging palitan nang hindi magagandang pahayag sa pagitan nila noong panahon ng kampanya. Napakaraming bagay ang kailangang tugunan sa Maynila — maruruming kalsada, santambak na utang, mga palyadong sistema — para problemahin pa ng mga dating magkaalyado ang anomang isyu sa kanilang pagitan. Panahon nang simulan ng dalawa ang paghilom, piliin ang pagpapatawad, at alalahanin na iisa ang tibok ng kanilang mga puso pagdating sa serbisyo publiko.

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app.