Home OPINION DALAWANG ‘MUKHA’ NG SOCIAL MEDIA

DALAWANG ‘MUKHA’ NG SOCIAL MEDIA

MALAKI ang ipinagbago ng mundo dahil sa social media kaya nga lang ang pagbabago sa aking palagay ay nasusukat sa dalawa – kundi pumapabor ay makasira.

Kumbaga, parang dalawang mukha lang ang social media – kundi maganda ay pangit ang epekto sa ating buhay,  lipunan at galaw ng pamahalaan.

Ibig ko bang sabihin, may katuturan ang social media kapag ginagamit nang tama dahil ang dulot nito ay paborable nguni’t kapag ‘di tama ay ‘di paborable ang resulta.

Sa kasalukuyan, ang fake news ay lima singko sa internet platforms. Aba’y  hindi ito makabubuti sa bansa dahil mas pinipili natin ang pangit na mukha ng social media.

Klasikong halimbawa ay ang  nag-viral sa social media na pagkamatay ng isang babae dahil sinaksak nang nagseselos na boyfriend, isang tricycle driver, sa Caloocan City.

Sinabi ni Caloocan City Police Station chief P/Col Paul Doles, nag-trending sa social media ang pangyayari matapos may mag-post na may gumagalang serial killer sa lungsod.

Dahil sa iresponsableng  post na may ‘serial killer’, nagdulot ito ng takot at kaguluhan, hindi lamang sa Caloocan kundi sa mga karatig na siyudad na Malabon, Navotas at Valenzuela.

Sa pangyayaring ito, malinaw na nagamit ang pangit na mukha ng social media dahil ang ipinost  na serial killer  kuno ay kathang isip, walang katotohanan, sa ibang salita – fake news.

Pero ilang oras matapos ang krimen ay inanunsyo ni Mayor Dale “Along” Malapitan  ang pagdakip sa suspek na nauna nang tinawag na serial killer sa social media.

sa pamamagitan ng “FB live” ay inihayag nina Malapitan at Doles na hindi totoo ang kumakalat na serial killer dahil  isolated  case  ang pagpatay ng suspek sa kanyang girlfriend.

Katulong ang mga pulis ng lungsod, siniguro ni Malapitan ang kaligtasan sa mga lansangan ng Caloocan City sabay pakiusap na gamitin ang social media para sa ikabubuti ng mamamayan.

 Kaya dapat ay maging responsable, piliin ang magandang ‘mukha’ ng social media upang ang fake news ay maiwasan nang ‘di magkagulo ang sambayanan.