Home NATIONWIDE Dam water ‘di sakop ng wealth tax – SC

Dam water ‘di sakop ng wealth tax – SC

MANILA, Philippines – Sinabi ng Korte Suprema na ang dam water ayisang appropriated water at inalis na mula sa ‘natural resources,’ dahil dito ay hindi na ito sakop ng national wealth tax.

Sa 28-pahinang desisyon, sinabi ng SC en banc na nagkamali ang Court of Appeals nang sang-ayunan nito ang ruling ng lokal na korte, na nagsabing dapat magbayad ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ng bahagi nito sa utilization at development ng national wealth sa pamahalaang panlalawigan ng Bulacan.

“The moment that water from Angat River is already appropriated and impounded into the Angat Dam, it ceases to form part of natural resource,” sinabi ng high tribunal sa desisyon na tinintahan ni Associate Justice Henri Jean Paul Inting.

Epektibong pinagbigyan ng Supreme Court ang petition for review on certiorari ng MWSS sa pagbaliktad nito sa 2008 decision ng apellate court na pumapabor sa Bulacan.

Ang kaso ay nag-ugat sa reklamo para sa specific performance/payment ng national wealth share laban sa MWSS na inihain ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ni dating Gov. Josefina Dela Cruz.

Ayon sa Bulacan government, ang MWSS ay nakakuha ng proceeds mula sa water resource nito sa Angat Dam, na matatagpuan sa kanilang territorial jurisdiction.

Dahil dito ay dapat na magbayad ang MWSS ng bahagi nito para sa utilization at development ng national wealth.

Sa kabila nito, iginiit ng MWSS na ito ay nonprofit service utility na nilikha para magsuplay ng tubig at magbigay ng wastewater disposal system sa Metro Manila at mga kalapit na probinsya.

Idinagdag pa ng MWSS na ang mga tubig na inimbak sa Angat Dam ay hindi nangangahulugan na nanggaling sa Bulacan.

Bilang isang man-made structure, hindi umano pasok ang dam sa scope ng national wealth para makakuha ang lokal na pamahalaan, tulad ng Bulacan, ng bahagi nito mula sa utilization at development. RNT/JGC

Previous articleAlyssa Valdez hinirang na Most Trusted Sports Personality
Next articleNBA: Spurs tupok sa Suns