DATI, kapag gigising sa umaga, ang pinoproblema lang ng mga simpleng tao ay ang kakainin ng pamilya sa buong araw.
Masakit kapag nakita ang sisidlan ng bigas ay wala nang laman. Wala nang maisasaing.
Pero ang mas masaklap ay kung wala ring laman ang pitaka.
Kaya pupunta muna sa tindahan ng kapitbahay at mangungutang kahit isang kilong bigas, isang delata, isang noodles.
Pero hindi riyan natatapos ang problema sa umaga.
May mga anak na papasok sa eskuwela at asawang pupunta sa trabaho. Kailangan ng pambaon at pamadyak sa traysikel o pasahe sa dyip.
Idagdag pa ang mga buwanang bayarin. Kuryente, tubig, upa sa bahay.
Ganyan palagi ang sistema…araw-araw kung isang kahig, isang tuka.
Nakasasawa. Parang gusto mong sumigaw na “ayaw ko na sa earth.”
Pero kailangang magpatuloy sa buhay. Mapapabuntong-hininga na lang nang malalim.
@@@
Ngunit pagkagising uli ng mamamayang namomroblema kung saan kukuha ng maisasaing, pamasahe, pambayad sa inutang sa tindahan…may narinig sa radyo, napanood sa telebisyon at nabasa sa dyaryong ipinambalot sa tinapa na panibago na namang problema.
Ayon sa balita: Tumaas uli ang presyo ng krudo at gasolina na katataas lang noong ilang araw.
Ibig sabihin, tataas din ang presyo ng bigas, delata at noodles sa inuutangang tindahan.
Tataas din ang pamasahe sa traysikel at sa dyip.
Sa iba pang balita, sumabay rin sa pagtaas ang singil sa kuryente at tubig.
Walang katapusang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at iba pang pangunahing pangangailangan…pero hanggang ngayon, mababa pa rin ang sahod ng mga karaniwang manggagawa.
Dahil dito, tumaas din ang presyon ng dugo ng madla sa mga hindi magandang balita.
@@@
Dumagdag pa sa masamang balita ang ginawa ng “trese-hudas”, este, senators pala kamakalawa.
Naglatag sila ng sarili nilang pamamaraan para baliin ang nakasaad sa Konstitusyon upang masunod ang kanilang nais na mapatalsik sa pamamagitan ng impeachment ang Pangalawang Pangulo ng bansa.
Kung nagawa nila na “baluktutin” ang batas sa kagustuhang masipa ang bise-presidente, bakit hindi nila magawang baliin ang mga batas sa buwis, lalo sa petrolyo, na siyang nagpapabigat sa buhay ng mga Pilipino.
Kapag gusto nila ay pwede…mabilis.
Pero kapag ang taumbayan na ang may gusto, ang kukupad nila. Kakamot-kamot ang mga kupal sa kanilang mga ulo. PUKAW NA N’YO!






