SUMABOG na ang giyera sa Impeachment Court o Senado makaraang baguhin nito ang batayang 24 ng lahat ng miyembro ng Senado at kwentahin dito ang dalawang-katlo o 16 boto para sa pagdedeklarang guilty si respondent-accused Vice President Sara Duterte.
Sa botong 13 na yes, 6 na lumiban at isang no mula sa 20 na nakadadalo sa paglilitis sa kasong impeachment, aabot na lamang sa 14 boto ang kailangan, hindi na 16, at ito ang unang pagsabog ng giyera.
Gayunman, batay na rin sa pahayag ng mga nagsulong ng pagbabawas gaya nina Senator-Judge Erwin Tulfo at Tito Sotto, maaari pa ring aabot sa 16 kung magpapakita ang 4 na ngayo’y nakakulong, nagtatago at nasa labas ng bansa…at isa itong pagsabog pa rin, lalo na kung may kokontra rito.
Isa pang sumasabog na anyo ng giyera ang kung kailan magiging justiciable controversy ang pagbabago…kung ngayon nang may binago sa Article 11, Section 3(6) na nagsasabing 2/3 mula sa 24 na senador o kung matapos na madeklarang guilty si VP Sara.
Sumabog din ang kung amyenda sa Konstitusyong 1987 ang naganap na pagbabago sa nasabing Article o ligal na interpretasyon o paglilinaw lamang dahil “malabo” at hindi malinaw ito.
Kakabit nito ang usaping kung may hurisdiksyon o kapangyarihan ang Senate Impeachment Court o wala na magbago ng batayang 24 senador na batayan ng botohan tungo sa mas mababang bilang.
Tatandaang hanggang sa kasalukuyan, ang nag-expire na ang termino, namatay, nadiskwalipika, napatalsik sa Senado, nag-resign at may permanent disability ang malilinaw na mga batayan ng pagkawala ng karapatan ng isang senador na bumoto at hindi kasali ang pagkabilanggo nang walang conviction, pagtatago, pagkakasakit at iba pa.
Isang napakahalagang katanungan: Lilikha kaya ang mga giyera sa Senado ng matinding kaguluhan sa labas nito?






