MANILA, Philippines – Sinabi ng Police Regional Office sa Davao Region (PRO XI) na wala pa itong namomonitor na confirmed sightings ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na ngayon ay nahaharap sa arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) sa madugong war on drugs ng administrasyong Duterte.
Ayon kay PRO XI spokesperson PMaj. Catherine Dela Rey, minomonitor ng mga awtoridad ang posibilidad na makita si Dela Rosa sa lugar na ngayon ay nagtatago.
“So far, negative man. Wala man sightings nga naa diri sa Davao region si Senator Bato,” sinabi ni Dela Rey sa panayam ng ABSCBN News.
Nilinaw ni Dela Rey na hindi nagsagawa ng paggalugad ang mga pulis sa ancestral home ni Dela Rosa sa Sta. Cruz, Davao del Sur, kasunod ng mga kumakalat na larawan na nagpapakita ng mga pulis sa labas ng ari-arian nito.
Ayon kay Dela Rey, ang pagbisita ay onsite inspection ni PRO XI chief Brigadier General Leon Victor Rosete.
“Onsite inspection lang to kay gitan-aw ni RD ang ancestral house ni Bato sa Sta. Cruz kay wala pa man siya nakasuroy diha nga area,” sinabi pa niya.
Idinagdag na ang PRO XI ay wala pang natatanggap na koordinasyon mula sa lead Philippine National Police (PNP) unit kaugnay sa posibleng tulong na may kaugnayan sa ICC warrant.
Samantala, sinabi ni Dela Rey na wala pang nakukumpiska ang mga awtoridad na armas na pagmamay-ari ni Dela Rosa. RNT/JGC