SIARGAO, Surigao del Norte — Inaresto ng mga operatiba ng Bureau of Immigration ang isang New Zealand national at isang Swiss national matapos umano silang mahuling nagpapatakbo ng resort sa Siargao kahit tourist visa lamang ang kanilang hawak.
Kinilala ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang mga naaresto na sina Teryn Jane Spencer, 41, New Zealand national, at Dario Salvatore Di Capua, 38, Swiss national.
Ayon sa BI, isinagawa ang operasyon noong Hulyo 1 sa isang resort sa bayan ng San Isidro, Siargao ng mga operatiba ng Intelligence Division-Mindanao Regional Intelligence Operations Unit matapos makatanggap ng impormasyon na personal umanong pinamamahalaan ng dalawa ang kanilang homestay at café, bukod sa pag-aalok ng yoga sessions sa mga bisita, kahit wala silang kaukulang work visa at permit.
Bilang bahagi ng operasyon, nagpanggap na mga kliyente ang intelligence operatives at nagtanong tungkol sa pagrenta ng buong resort para sa isang team-building activity.
Sa isinagawang transaksyon, mismong si Spencer umano ang sumalubong sa undercover agents, ipinakita ang mga pasilidad ng resort, ipinaliwanag ang mga kuwarto at presyo, tinalakay ang yoga classes, at inayos ang reservation — mga gawaing nagpapakita umano na aktibo siyang namamahala sa negosyo.
Bagama’t iginiit ng mag-asawa na sila ay mga investor lamang, sinabi ng BI na lumabas sa imbestigasyon na direkta nilang pinatatakbo ang establisimyento at nakikipagtransaksyon sa mga customer habang nananatili sa bansa bilang temporary visitors.
Binigyang-diin ni Viado na hindi maaaring gamitin ang tourist visa upang magtrabaho o magnegosyo sa Pilipinas.
“We welcome foreign visitors who respect our laws, but those who abuse the privilege of their stay by engaging in unauthorized employment or business activities will be arrested, deported, and barred from returning,” ani Viado.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng BI ang dalawang dayuhan at isinasailalim sa deportation proceedings dahil sa umano’y paglabag sa kondisyon ng kanilang pananatili sa bansa bilang temporary visitors. Jay Reyes