Home NATIONWIDE Dayuhang terorista may kumpas sa MSU bombing

Dayuhang terorista may kumpas sa MSU bombing

133
0

MANILA, Philippines – SINABI ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na may malakas na indikasyon na may ilang “foreign element” ang konektado sa nakamamatay na pagsabog sa Mindanao State University (MSU) sa Marawi City, Linggo ng umaga, Disyembre 3.

Mariing kinondena ng Kalihim ang “senseless and most heinous acts perpetrated by foreign terrorists” sa MSU at mga komunidad sa Marawi.

“The President has released a statement based on our consultations and there are indicia of foreign element here which we are looking into. This being a crime scene, the physical investigation of the crime scene shall be left to the appropriate agency, the PNP-SOCO (Philippine National Police- Scene of the Crime Office) of the area,” ayon kay Teodoro.

At nang tanungin kung ano ang pagkakakilanlan sa foreign party na nauna nang tinukoy ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sinabi ni Teodoro na “wala silang kalayaan na ihayag ang anumang impormasyon.

Iwas-pusoy naman ito na sagutin kung ang pagbomba sa MSU ay may kinalaman sa giyera sa pagitan ng Israel at Hamas militants.

“There are strong indications of a foreign element. Let’s leave it at that, so that the investigation both by the PNP and the AFP will not be hampered,” ayon kay Teodoro.

Sa kabila ng mga bagong kaganapang ito, binigyang diin ni Teodoro sa publiko na walang dapat na ikabahala ang mga ito.

“Hindi po dapat ikabahala ng ating mga kababayan dahil nasa amin ang responsibilidad na pangalagaan ang kanilang kaligtasan sa mga ganitong insidente. At mismo na ang Pangulo ang nanguna na atasan ang mga kinauukulang ahensya upang agresibong maresolba itong insidente na ito at upang hindi na maulit ito,” anito.

Idagdag pa rito na hindi makaaapekto sa amnestiya ang MSU bombing na inalok ni Pangulong MArcos sa mga dating rebelde.

“Sa tingin ko walang epekto ito sa comprehensive amnesty program. Tuloy tuloy ang comprehensive amnesty program at pagka ito ay ni-ratify ng ating Kongreso sa Senado at Lower House, ito ay magiging epeketibo at tuloy tuloy na itong ipapaganap ng ating pamahalaan,” aniya pa rin.

Samantala, nauna nang pinagkalooban ni Pangulong Marcos ng amnestiya ang mga dating rebelde kabilang na ang mga dating miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF), Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas/Revolutionary Proletarian Army/Alex Boncayao Brigade (RPMP-RPA-ABB), Moro Islamic Liberation Front (MILF), at Moro National Liberation Front (MNLF). Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here