Home OPINION DBM NAGLAAN NG HALOS PHP 1-B SCHOLARSHIP PARA SA DOKTOR NG BAYAN

DBM NAGLAAN NG HALOS PHP 1-B SCHOLARSHIP PARA SA DOKTOR NG BAYAN

331
0

INILAAN ng Department of Budget and Management (DBM) ang ha­lagang Php 997.71 milyon para sa pagpapatibay ng programang “Doktor Para sa Bayan” ng pamahalaan sa ilalim ng 2026 National Expenditure Program (NEP), na layuning makapagpatapos ng mas maraming doktor at health professionals sa bansa.

Mula sa kabuuang pondo, nasa Php 909.99 mil­yon ang nakalaan sa Medical Scholarship and Return Service (MSRS) Program ng Commission on Higher Education (CHED), habang may Php 87.71 milyon na­man ang ilalaan sa Pre-Service Scholarship Program (PSSP) ng Department of Health (DOH).

Ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman, ang hakbang na ito ay patunay ng malasakit ng administrasyon ni Pre­sident Ferdinand “BBM” Marcos, Jr., sa kalusugan at edukasyon ng kabataan.

Ayon kay Secretary Pa­­ngandaman, binigyang- diin ng Pangulo na ang ka­lusugan at edukasyon ng kabataan ang pinakamaha­lagang puhunan para sa ki­nabukasan ng bansa. Ka­ya’t aniya, buong puso ni­lang sinusuportahan ang mga iskolar na siyang mga magiging doktor ng bayan.

Ang MSRS Program ay alinsunod sa Republic Act No. 11509 o ang “Doktor Para sa Bayan Act”, na layuning paramihin ang bilang ng mga doktor sa mga pampublikong ospital at sa mga liblib na lugar na kulang sa serbisyong medikal.

Sa ilalim ng batas, ma­katatanggap ng libreng edu­kasyon at pinansiyal na tulong ang mga kwali­pikadong estudyante sa me­disina, kapalit ng kani­lang serbisyo sa mga komunidad na nangangailangan ng mga doktor matapos silang makapagtapos at ma­kapasa sa board exa­mination.

Habang sa ilalim ng PSSP ng DOH, inaasahang mabibigyang-tulong ang 245 medical scholars, 122 medical technology scho­lars, at 104 pharmacy scholars sa iba’t ibang state universities at DOH-retained hospitals sa bansa.

Layunin ng progra­mang ito na hindi lamang magdagdag ng mga doktor, kundi palakasin din ang iba pang health-related professions na kasinghalaga sa pagpapatatag ng public health system ng Pilipinas.

Ayon sa mga opisyal ng CHED at DOH, ang ka­ragdagang pondo ay ina­asahang magbibigay ng mas maraming oportunidad sa mga estudyanteng nagnanais maglingkod sa bayan sa larangan ng kalusugan. Sa ganitong paraan, hindi lamang natutugunan ang kakulangan ng mga doktor, kundi nabibigyang pag-asa rin ang mga rehiyon at lalawigang matagal nang hirap sa akses sa serbisyong medikal.

Ang “Doktor Para sa Bayan” program ay nana­natiling simbolo ng pagtutulungan ng pamahalaan at akademya upang itagu­yod ang isang bansang may sapat at dedikadong mga tagapaglingkod sa ka­lusugan, mga doktor na hindi lang para sa lungsod, kundi para sa bawat Filipino na nangangailangan ng pagkalinga saan mang sulok ng bansa.

Sa kasalukuyan, may li­mang doktor sa bawat 10,000 na mga pasyente sa Pilipinas, malayo sa ide­yal na ratio ng World Health Organization na 10 sa ba­wat 10,000.

Tinatayang may mahi­git 95,000 na aktibong dok­tor sa bansa na nasa pampubliko at pribadong ospital. Bawat taon, nasa 5,000 ang nadaragdag na mga bagong doktor na pumapasa sa pagsusulit.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here