Home OPINION DEBOSYON SA POONG NAZARENO

DEBOSYON SA POONG NAZARENO

SINASABING ang matibay na pananampalataya sa Diyos ang isa sa mga kadahilanan kung bakit madaling makabangon mula sa mga kalamidad, trahedya o problemang pinagdaraanan ang maraming Filipino.
Tuwing sumasapit ang January 9, nasasaksihan ng buong bansa at ng buong mundo ang pagsasabuhay sa pananampa­latayang ito. Milyong-milyong mga deboto ng Black Nazarene o Itim na Nazareno ang matiyagang pumipila sa “Pahalik” sa Quirino Grandstand sa Rizal Park, dumadalo sa banal na Misa ng pasasalamat, at sumasama sa “Traslacion”.
Ang kasing-taas na taong imahen ng Itim na Nazareno ay sinasabing ginawa ng isang mang-uukit mula sa Mexico, pero hindi naitala ang pangalan nito. Dumating ito sa Pilipi­nas noong May 31, 1606 sa pamamagitan ng Manila-Acapulco Galleon Trade.
Unang inilagak ang imahen sa Simbahan ni San Juan Bautista sa Bagumbayan (Luneta) at inilipat sa Simbahan ni San Nicolas de Tolentino sa loob ng Intramuros noong 1608. Sinasabing nasira ang Simbahan at ang orihinal na imahen sa pagpapalaya sa Maynila o Battle of Manila noong 1945, bahagi ng World War II.
Pero naiwan sa kasalukuyang Quiapo Church ang replika ng imahen na ipinagkaloob ng mga Augustinian Recollect noong January 9, 1787. Ito ang siyang naging opisyal na kapistahan at pinagmulan ng traslacion.
Ayon sa pagsasaliksik ni Monsignor Sabino Vengco, maitim ang kulay ng Poong Nazareno dahil sa inukit ito mula sa mesquite wood na siyang popular na pag-ukitan noong 16th century.
Marami ang nagpapatotoo na dahil sa mataimtim nilang pagdarasal sa poon na yumukdo (genuflect) ay natutupad ang kanilang kahilingan katulad ng paggaling sa karamdaman, pagkakaroon ng trabaho, pagbabago ng asawa o anak, pagganda ng buhay pamilya, at iba pa.
Pinayagan ni Pope Innocent X noong 1650 ang pagsamba sa Poong Nazareno at nagsimula ang Cofradia de Nuestro Santo Jesus Nazareno. Binigyan naman ni Pope Pius VII ng kanyang apostolic blessing noong 1880 ang imahen at ang pagkakaloob ng plenary indulgence sa mga mananalanging mga deboto.
Naitaas naman sa antas ng Minor Basilica ang Quiapo Church noong December 11, 1897 sa kapasyahan ni Saint Pope John Paul II na dalawang beses na bumisita sa bansa sa panahon ng kanyang Papacy.

Noong taong 2012, 2017 at 2019 ay inabot ng 22 oras bago nakabalik ang imahen sa loob ng Simbahan. Umabot naman sa higit kumulang 22 million ang dumalo sa lahat ng aktibidad sa kapistahan ng Itim na Nazareno noong January 2020 o dalawang buwan bago tumama ang COVID-19 pandemic.