Home HOME BANNER STORY Dela Rosa kay Mabilog: Pulis na nagbabala sa pagbalik sa Pilipinas, pangalanan!

Dela Rosa kay Mabilog: Pulis na nagbabala sa pagbalik sa Pilipinas, pangalanan!

MANILA, Philippines – Hinimok ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa nitong Biyernes, Setyembre 20 sa dating Iloilo City mayor Jed Mabilog na pangalanan ang police official na nagbabala rito laban sa pagbalik sa Pilipinas sa kasagsagan ng drug war ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Matatandaan na inamin ni Mabilog sa Kamara na natakot siya sa kanyang buhay noong 2017.

Aniya, lumipad siya patungong Japan at babalik na sana sa Pilipinas matapos makipag-usap kay Dela Rosa na PNP chief nang mga panahong iyon, ngunit binalaan ng isa pang opisyal ng pulisya na hindi na pinangalanan.

Ani Mabilog, binalaan siya ng isang heneral na kung bumalik sa Pilipinas, pipilitin siyang ituro sina dating Senador Mar Roxas at Franklin Drilon bilang “drug lords.”

“Meron bang ginawa si [former President Rodrigo] Duterte na ganun noon? Wala naman. Imposible naman yan mangyari. Paano mo idadamay si Senator Drilon saka si Mar Roxas? Anong basis mo nga kung gusto mong idawit?” tanong ni Dela Rosa sa phone patch interview nitong Biyernes.

“Dapat pangalanan niya sinong general nagsabi sa kanya para tanong natin anong basis niya? Saan niya kinuha ang impormasyon na yan? Dapat pangalanan niya sino ‘yun,” dagdag pa ng senador.

Ani Dela Rosa, ang desisyon ng Kamara na imbitahan si Mabilog sa quad panel inquiry ay bahagi lamang ng demolition job laban sa kanya at sa mga Duterte.

“This is a demolition job para masira kami lahat at hihina si Vice President Sara Duterte sa 2028. That’s a purely demolition job. Halata naman. Ano ba in the aid of legislation na makikita mo dyan? Wala naman akong nakikita. Matagal naman yung mga imbestigasyon na yan,” sinabi ng senador.

Nang tanungin naman kung ano kaya ang intension sa likod ng naturang hakbang, sinabi ni Dela Rosa na dahil umano ay nais ni House Speaker Martin Romualdez na maging susunod na Pangulo. RNT/JGC