Home OPINION PAGING MPD DIRECTOR, LAWTON UNDERPASS GINAGAWANG SHABUHAN

PAGING MPD DIRECTOR, LAWTON UNDERPASS GINAGAWANG SHABUHAN

NAIS kong tawagin ang atensyon ni PBGen Arnold Thomas C. Ibay, ang hepe ng Manila Police District.

Sir, mukhang dapat kayong magpaikot ng mga pulis ninyo na nakatalaga diyan sa Liwasang Bonifacio Community Precint lalo sa gabi dahil ginagawang “shabuhan” ng mga adik diyan ang Lawton underpass.

Ito  Sir ‘yung underpass kung patungo ka sa Divisoria, Sta. Cruz o Quiapo.

Mula sa National Press Club, naisipan nating mag-commute, kaya naglakad tayo at dumaan diyan sa underpass, patungong Sta. Cruz, Maynila.

Mabuti na lang at sinuspinde ang klase ng mga mag-aaral kaya  iilan lang ang dumaraan.

Habang paakyat sa hagdan, napansin ko ang dalawang lalaking nakasiksik sa isang payong.

Akala ko’y dalawang baklang naghahalikan, ang mga hindurupot ay bumabatak pala ng shabu.

Nakakita na tayo ng mga nagsa-shabu kaya alam kong droga ang tinitira ng dalawang walanghiya.

Sadyang mga walanghiya dahil ang lalakas ng kanilang loob na mag-shabu kahit nakikita sila ng madlang pipol.

Sila Gen. Ibay ang mga taong walang bahay sa laya na makikitang natutulog diyan sa underpass.

May nakabantay na guwardiya dyan pero wala akong nakita nu’ng gabing iyon. Mga ilang metro lang din ang layo nito sa Lawton PCP.

Ako’y nag-aalala para sa mga taong dumaraan diyan, lalo sa mga estudyante na umuuwi nang alanganing oras.

Maaari silang mapagtripan ng mga bangag na ito. Sa lugar pa naman na iyan, talamak ang snatching at holdapan.

Dapat ay walang mga naka-istambay o mga natutulog na palaboy sa mga underpass dyan sa Lawton para na rin sa kaligtasan ng publiko.

Huwag na sanang hintayin na may mangyari pang malalang krimen sa lugar na ‘yan, General Ibay!

At heto pa, kapag sila ay natatae o nagdyidyinggel, saan kaya nagbabawas ang mga iyan eh wala namang palikuran dyan?

Eh hindi ba’t sa tabi-tabi na lang din ginagawa kung saan medyo madilim.

Gen. Ibay, Sir, pakilusin n’yo naman ang mga pulis ninyo para sila ay walisin. Magmo-monitor ako.