MANILA, Philippines – Mabilis na tinapos ng House Committee on Appropriations ang deliberasyon para sa proposed P10.5 bilyong budget ng Office of the President (OP) para sa fiscal year 2025 sa loob lamang ng ilang minuto.
Matapos ipinresenta nina Executive Secretary Lucas Bersamin at OP Deputy Executive Secretary for Finance and Administration Amante Liberato ang breakdown ng proposed budget ng OP para sa susunod na taon, agad na tinapos ni Abra Representative Ching Bernos ang budget hearing para sa parliamentary courtesy “in recognition of its distinguished role and significance in government.”
Kumontra sa hakbang na ito si Makabayan bloc lawmakers France Castro ng ACT Teachers party-list, Arlene Brosas ng Gabriela party-list, at Raoul Manuel ng Kabataan party-list at kalaunan ay binigyan ng two-minute manifestation.
“Mr. Chair, nandiyan ang Office of the President [is there] to supposedly set the tone regarding the protection of the rights of people. When we say rights, kasama po diyan an [this includes] economic rights ng taumbayan [of the people], commitments para taasan ang sahod ng ating manggagawa [to increase the workers’ salary], and of course civil and political rights,” ani Manuel.
“While the current administration seeks to distinguish itself na hindi na raw era ng kadiliman sa ngayon [that it’s no longer the era of darkness now], pero [but] the actual experiences of the Filipino people say otherwise at ‘yun sana ang gusto nating matanong [and that’s what we want to ask],” dagdag pa niya.
Samantala, nagpahayag sina Brosas at Castro na dapat ay payagan din silang magtanong sa OP katulad ng ginawa ng mga miyembro ng Kamara nang isailalim sa deliberasyon ang badyet ng Office of the Vice President.
“Isinalang nga natin ang Office of the Vice President dito tapos ngayon nagbibigay ng courtesy sa Office of the President. Double standard ito — nade-deprive ang mga mamamayang Pilipino na malaman paano ginastos ng Presidente, na pinakamataas na opisyal sa Pilipinas, ang kanyang pondo. Nakakabahala ito dahil maraming tanong ang taumbayan,” ani Brosas.
Nagpasalamat naman si Budget sponsor Rep. Toby Tiangco sa mga miyembro ng Makabayan at sinabing ang mga tanong nila ay sasagutin ng OP sa plenary sessions na magsisimula sa Setyembre 16.
Nagpatuloy sa mosyon si House Deputy Majority Leader Janette Garin na suspendihin ang budget briefing na inaprubahan naman. RNT/JGC