Home HOME BANNER STORY Pagsibak kay BI chief Tansingco, aprubado ni PBBM

Pagsibak kay BI chief Tansingco, aprubado ni PBBM

MANILA, Philippines – APRUBADO ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang pagkakasibak sa puwesto ni Immigration Commissioner Norman Tansingco.

Sa isang text message, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cesar Chavez na, “His (Tangsingco) dismissal has already been approved by the President.”

Nauna rito, sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na nagkasundo sila ni Pangulong Marcos na sibakin at palitan sa puwesto si Tansingco.

“Yes, yes, okay na ‘yun. Nagkasundo na kami ng Pangulo,” ang sinabi ni Remulla.

“Papalitan siya, papalitan siya. If I were him, I’ll just resign already. Mag-resign na lang siya,” aniya pa rin.

Inamin ni Remulla na inirekomenda niya na palitan si Tansingco dahil hindi siya ‘satisfied’ sa pagganap nito sa kanyang tungkulin.

Bukod pa sa maraming problema ang immigration na hanggang ngayon ay hindi nareresolba.

Noong nakaraang linggo, sinabi ni Remulla na wala na silang komunikasyon ni Tansingco matapos na hindi nito ipaalam sa Department of Justice ang tungkol sa paglabas sa bansa ng sinibak na si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Inamin ni Tansingco na alam niya ang paglabas sa bansa ni Guo noong Agosto 15.

Gayunman, bina-validate nila ang naturang impormasyon.

Ani Remulla, iniulat lamang sa kanya at sa Office of the Executive Secretary ni Tangsinco ang naturang insidente noong Agosto 20. Kris Jose