Home OPINION DELIKADONG PAKIKIPAGSAPALARAN NG PINOY SEAMEN

DELIKADONG PAKIKIPAGSAPALARAN NG PINOY SEAMEN

Nitong nakaraang Miyerkules, pinasabugan ng Houthi sa Red Sea ng sea drone ang barkong MV Tutor na may lamang 22 Pinoy seaman

Sabado na nang sabihin ng United States at United Kingdom na naligtas na ang 21 Pinoy crew ngunit nawawala ang isang second engineer na nasa engine room nang tamaan ito ng sea drone.

Ngayon hinahatak na ng dalawang barko ang MV Tutor patungo sa ligtas na lugar.

Sa loob ng tatlong araw, nagkumpulan ang mga Pinoy sa isang bahagi ng barko na masikip at mainit, kulang sa pagkain at tubig at diesel para sa elektrisidad.

Buhay at kamatayan talaga ang nakataya sa hanapbuhay ng ating mga bayaning seaman.

Nakataya rin ang kalayaan dahil hanggang ngayon, wala pang nakauuwi sa 17 Pinoy na sakay ng MV Galaxy Leader na hinaydyak ng mga Houthi sa Yemen.

Ang mga Houthi ang umaatake sa mga barkong komersyal at militar ng US at UK sa Gulf of Aden, Bab al-Mandap Straight at Red Sea.

Katwiran nila, pakikiisa nila sa Hamas at Palestino laban sa Israel ang kanilang mga pag-atake at hindi sila titigil hangga’t hindi itinitigil ng Israel, kasabwat ang US at UK, ang pagpatay sa mga Hamas at Palestino sa Gaza Strip na halos 37,000 na ang patay.

Anila, lahat ng barko na may kaugnayan sa Israel, US at UK, tinatarget nila at isa na rito ang MV Tutor na may sakay na coal o uling para sa Israel.

Inatake rin ang MV Verbena sa Gulf of Aden kinabukasan.

Pareho ang MV Tutor at MV Verbena na tinamaan at nasunugan at wala pang katiyakan kung may mga Pinoy crew rin ang huli.

Dahil hindi mapigilan ang mga Pinoy sa pakikipagsapalaran abroad sa kakulangan o kawalan nila ng oportunidad sa Pilipinas, ipanalangin na lang natin ang kanilang kaligtasan at ang mabilis na aksyon ng pamahalaan sa oras ng kanilang kagipitan.