Home METRO Delivery rider wanted sa sandamakmak na kaso ng qualified theft sa Valenzuela,...

Delivery rider wanted sa sandamakmak na kaso ng qualified theft sa Valenzuela, arestado sa Negros

1
0

MANILA, Philippines – Arestado ang isang delivery rider na wanted sa 32 bilang na kasong Qualified Theft sa Valenzuela City nang matunton ng pulisya sa kanyang pinagtataguan sa Negros Island Region.

Ayon kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, may warrant of arrest na inilabas ang Valenzuela Regional Trial Court (RTC) Branch 171 noong Mayo, 12, 2026 laban sa 32-anyos na akusado kaugnay sa 32 bilang na kasong Qualified Theft na may nakalaang kabuuang piyansang P1,120,000.00 para sa pansamantalang paglaya.

Nang makatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento na nagtatago sa Negros Island Region ang akusado, kaagad ikinasa ang manhunt operation laban sa kanya.

Sa tulong ng mga tauhan ng Regional Intelligence Unit ng (RIU-NCRPPO), 2nd Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion–Negros Island Region at Kabankalan City Police Station, nadakip ng mga tauhan ni Col. Talento ang akusado dakong alas-4:20 Sabado ng hapon sa Purok Tuboran, Brgy., Tapi, Kabankalan City, Negros Occidental.

Sinabi naman ni NCRPO Director P/MGen. Anthony Aberin na ang tuloy-tuloy na pagbabahagi ng impormasyon at paglawak ng tactical network mula Metro Manila hanggang sa Negros Island Region at iba pang rehiyon ang dahilan upang madakip kaagad ang mga wanted na kriminal sa Kamaynilaan na nagtatago sa malalayong lugar sa bansa.

Sumasailalim pa sa wastong proseso at dokumentasyon sa Kabankalan City Police Station ang akusado bago siya ibiyahe pabalik ng Metro Manila upang harapin ang kanyang kaso sa Valenzuela City. (Merly Duero)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here