Home NATIONWIDE DENR dumipensa, pagbaha sa Marikina River Basin ‘di lang dahil sa quarrying

DENR dumipensa, pagbaha sa Marikina River Basin ‘di lang dahil sa quarrying

MANILA, Philippines – Dumipensa ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa pagsasabing hindi maaaring masabing ang quarrying lamang ang dahilan ng matinding pagbaha sa Marikina at ibang lungsod sa Metro Manila.

Sa pulong balitaan, sinabi ni DENR Undersecretary for Integrated Environmental Science Carlos Primo David ang iba’t ibang dahilan na maaaring Tingnan sa pagbaha.

Nangunguna rito ay ang dami ng mga ulang ibinuhos sa kasagsagan ng bagyong Enteng at Habagat.

Ipinaliwanag din ni David ang infiltration o runoff kung saan nangyayari ang infiltration kapag ang tubig ay inaabsorb ng lupa habang ang runoff ay ang naipong tubig sa ibabaw ng lupa na umaagos patungo sa mga daluyan nito.

Sa loob lamang ng 48 oras ay nakapagbuhos ng mahigit 320 millimeters ng tubig-ulan ang Tropical Storm Enteng sa PAGASA weather station sa Tanay, Rizal.

Dagdag pa sa tinukoy na dahilan ay ang development at human settlement sa mga lugar na dinadaanan ng Marikina River Basin, kabilang ang ilang munisipalidad sa Rizal, ang Quezon City, Marikina, Pasig, Taguig, at Pater

Karamihan sa mga lugar na ito ay balot ng mga sementadong daanan, residential areas, commercial establishments at iba pang konkretong imprastruktura.

Wala umanong kakayahan ang mga ito na sumipsip ng tubig-ulan.

Isa rin sa maaaring dahilan ay ang kondisyon ng Marikina River.

“When it is heavily silted, its capacity to absorb water is reduced. And when we build long rivers and constrict our river channels, this produces huge implications to flooding,” dagdag pa ni David.

Nahaharangan din umano ang mga river channel kung kaya’t hindi nakakadaloy ng maayos ang mga tubig.

Dahil dito, sinabi ng DENR na ang quarrying ay hindi nagdudulot ng malaking epekto sa mga pagbaha sa nabanggit na mga lugar.

Ayon sa DENR, mayroong pitong quarry operators sa loob ng Marikina River Basin. Wala sa mga ito ang nag-ooperate sa Upper Marikina River Basin Protected Landscape (UMRBPL).

“if we continue to harp on ‘ay quarrying ang problema diyan’ we will never see the actual reasons for flooding in Metro Manila,” aniya.

Sa kasalukuyan ay may total ban sa quarrying na ipinatutupad sa UMRBPL.

Sinabi pa ng DENR na dapat ding unawain ng publiko ang implikasyon sa ekonomiya kung pagbabawalan ang lahat ng operasyon ng quarrying sa bansa.

“We should recognize that the quarries there also serve a purpose. Where will we get gravel and sand if there are no quarries. We can shut all of them down but I assure you prices of sand and gravel will rise because we will be culling from other areas,” ani David.

“My suggestion is to call on our quarry operators, not to scold them or investigate, but to actually work with them in ensuring that they are not contributing to local flooding and perhaps even device or implement programs within their companies to mitigate flooding via having their own impounding systems,” dagdag pa. RNT/JGC