Home METRO DENR: Mga resort na itinayo sa Chocolate Hills bubusisiin

DENR: Mga resort na itinayo sa Chocolate Hills bubusisiin

MANILA, Philippines- Magsasagawa ng pagsusuri ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa mga nadiskubreng resort na itinayo sa Chocolate Hills, Bohol at iba pang istraktura sa kabila ng pagtukoy dito bilang protektadong lugar.

Susuriin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang iba pang mga establisimyento na nag-ooperate sa Chocolate Hills sa Bohol sa gitna ng mga ulat na may iba pang ganitong mga istraktura sa loob ng protektadong lugar.

Sa pagharap kahapon sa media ni DENR Undersecretary for Field Operations- Luzon, Visayas and Environment Juan Miguel Cuna, susuriin anila ang mga nilabag ng mga may-ari ng istraktura na nagpatayo ng resort sa Chocolate Hills.

“We will just apply all rules and regulations equally to everyone. Nagbigay na tayo ng instructions sa ating regional office para malaman kung may iba pang establishments sa area ng Chocolate Hills,” ani Cuna.

Dagdag pa ng opisyal, tutukuyin ng DENR Region 7 kung nakakuha ng clearance ang mga establisimyento mula sa Protected Area Management Bureau.

“Ang DENR ang magde-determine kung ano ang classification ng mga lupain, ang kanilang lokasyon. Ang Captain’s Peak (Resort) ay isang alienable at disposable land. Sinusuri ito bilang isang multiple-use zone ngunit ang iba ay matatagpuan sa mga lupain ng kagubatan. Lahat ng mga bagay na ito ay titingnan,” dagdag ni Cuna.

Ilan sa mga ilegal na resort sa loob ng Chocolate Hills ay ang Captain’s Peak Garden and Resort sa bayan ng Sagbayan at Bud Agta sa Barangay Tambo-an sa bayan ng Carmen at parehong nag-operate ang mga ito noong 2021.

Ayon kay Provincial Board Member Jamie Villamor, Chair ng Provincial Board Committee on Environment and Natural Resources Protection, hindi sumunod ang Bud Agta sa mga alituntunin ng Protected Area Management Board (PAMB).

Giit ni Villamor, ang Chocolate Hills Natural Monument ay nasa ilalim ng kontrol at pangangasiwa ng DENR. Ang lalawigan, ang gobernador, o ang Sangguniang Panlalawigan ay walang awtoridad na mag-isyu ng mga permit para sa pagpapaunlad ng mga protektadong lugar.

Binuksan ang Bud Agta noong 2021 at mababasa sa malalaking tarpaulin na nakalagay sa paligid na binigyan ng DENR ng environmental compliance certificate ang may-ari na si Angelita Dalagan at mayroon itong clearance mula sa Protected Area Management Board.

Gayunman, ang mga inilabas na clearance ay isasailalim pa rin sa beripikasyon. Mary Anne Sapico

Previous articlePagdinig sa Percy Lapid slay ‘di na naman natuloy
Next articleDagdag-bawas sa presyo ng produktong petrolyo nakaamba sa sunod na linggo