Home NATIONWIDE DENR tinira ni Villar sa Manila Bay reclamation projects

DENR tinira ni Villar sa Manila Bay reclamation projects

MANILA, Philippines – Bahag ang buntot ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa mga “influential people” na nagmamay-ari sa kompanyang nagsasagawa ng reclamation project sa Manila Bay, ayon kay Senador Cynthia Villar.

Sa ginanap na pagdinig sa Senado hinggil sa baha, partikular na tinutukoy ni Villar si Environment Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga na halatang natatakot sa maiimpluwensiyang negosyante na nagsusulong ng reclamation project sa Manila Bay.

“I talked to Secretary Loyzaga about this eh. Medyo takot siya kasi ang mga magre-reclaim mga influential sa Pilipinas. Natatakot siya being secretary… Sabi ko, huwag ka matakot. ‘Pag mali, mali. Kung tama, tama,” ayon kay Villar.

Nabahala si Villar sa natuklasan na umabot na sa 21 Environmental Compliance Certificates ang inaprubahan ni Loyzaga sa naturang reclamation activities.

“They have issued 21 ECC to reclaim Manila Bay na ang pinakamaliit is 300 hectare. Twenty-one times 300 hectares. Ano ‘yun, 7,000, 8,000 hectares of Manila Bay,” ayon kay Villar.

Ginisa rin ni Villar si Public Works Secretary Manuel Bonoan sa pananahimik ng ahensiya hinggil sa reclamation projects sa Manila Bay na nagdudulot ng malawakang pagbaha sa Kamaynilaan at karatig bayan.

Binanggit din ni Villar ang Zapote River Drive sa Las Piñas, na kanyang proyekto.

Tanong ng senador kay Bonoan, paano magiging epektibo ang paglilinis ng ilog kung mahaharangan ng reclamation project ang daluyan ng tubig.

“I’m so lonely because after spending 12 years cleaning my river, isasara ng reclamation ang aking river. Hindi ba kami magfa-flood?” giit ni Villar saka idinagdag na ganito rin ang sentimyento ng mga taga-Bulacan.

“I’m asking you. I want your answer now because I’m not staying here forever. I just want to ask that question para linawin natin sa mga tao kasi maski sa press release niyo walang nagsasabi sa inyo na maybe part of the reason [of flooding] is the reclamation,” dagdag ng senadora.

Sinabi pa ni Villar na pinag-aaralan ng Senate committee on environment and natural resources, na kanyang pinamumunuan, kung iimbestigahan ang reclamation projects sa Manila Bay dahil sa kawalan ng suporta sa mga kasamahan.

“Wala masyadong nagsu-support ng anti-reclamation except me,” ayon kay Villar.

Pero, sumagot naman si Senator JV Ejercito na nagsasabing sinusuportahan niya ang inisyatiba ni Villar.

“You’re not alone in that position. I think a lot of senators share the same sentiments, especially with what is happening right now,” ayon kay Ejercito.

Kamakailan, lumutang na isa sa kompanya ng pamilya ni Senador Sherwin Gatchalian ang nagsasagawa ng reclamation project sa Manila Bay. Pinabulaanan ni Gatchalian na may personal siyang kinalaman sa proyekto ng pamilya. Ernie Reyes