Home OPINION DENR-WRMO “WAG PATAKSAYA SERBISYO HOTLINE” SA MGA MAY HINAING SA TUBIG

DENR-WRMO “WAG PATAKSAYA SERBISYO HOTLINE” SA MGA MAY HINAING SA TUBIG

INILUNSAD ng Department of Environment and Natural Resour­ces Water Resources Management Office (DENR-WRMO) ang “Wag Pataksaya Hotline” upang matulungan ang mga consumer sa kanilang mga alalahanin sa tubig sa pamamagitan ng pagpapadali ng tamang aksyon mula sa water service providers (WSPs).

Ayon sa DENR-WRMO, ang water hotline ay isang awtomatikong sistema na naglalayong ikonekta ang publiko sa mga WSPs upang matiyak na ang kanilang mga hinaing ay nariri­nig ng mga kinauukulan at maihahatid sa WSPs nang mabilis at maayos.

Bilang pangunahing ahensyang nangangasiwa sa sektor ng tubig, may kakayahan ang WRMO na ipasa ang anumang alalahanin ng publiko sa mga ahensyang kaakibat ng DENR, tulad ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) para sa Metro Manila, sa mga water district ng lokal na pamahalaan, at ang Natio­nal Water Resources Board (NWRB) para sa mga pribadong WSPs.

Kabilang sa maaaring ihaing suliranin ang pagbasa ng metro, mga isyu sa bayarin, at pag­kaantala ng suplay ng tubig. Na­katakda itong subaybayan ng tanggapan hanggang sa ito ay matugunan at maresolba.

Pero paglilinaw ng DENR- WRMO, hindi direktang hahawak ng mga isyu sa tubig ang WRMO o magbibigay ng serbisyo o pagsasaayos, kundi tutulong lamang sa pagpapabilis ng solusyon sa mga dalang hinaing sa kanilang tanggapan.

Alinsunod sa Executive Or­der No. 22 na lumikha sa WRMO, kabilang sa mandato nito ang maseguro ang pagkakaroon ng malinis na tubig at magpatupad ng mga sustenableng pamama­raan para mapangalagaan ang mga mapagkukunan ng malinis na tubig sa bansa.

Maaaring makipag-ugnayan ang publiko sa WRMO sa pa­mamagitan ng kanilang mobile number na 0949 884 8927 o email address na [email protected]. Maaari rin silang magsumite ng kanilang hinaing sa pamamagitan ng National Water Service Online Form, kung saan kinakailangang ilagay ang kanilang pangalan, address, water service provider, at reklamo.

Ang bawat isinumiteng online form ay magkakaroon ng tracking number upang masubaybayan ang status o progreso ng hinaing.