Home NATIONWIDE DepEd: Literacy skills sa K-3 dapat tutukan

DepEd: Literacy skills sa K-3 dapat tutukan

MANILA, Philippines- Binigyang-diin ng Department of Education (DepEd) ang pangangailangan na i-develop ang literacy skills ng mga mag-aaral habang nasa kindergarten.

Layon nito na tugunan ang nakaaalarmang sitwasyon ng ‘functional illiteracy’ sa hanay ng mga batang Pilipino.

Sinabi ni DepEd Assistant Secretary for Curriculum and Teaching Jerome Buenviaje na ito’y bilang tugon sa resulta ng 2024 functional literacy, education and mass media survey (FLEMMS) na nagpapakita na mahigit sa 18 milyong junior high school graduates ay kinokonsiderang “functionally illiterate.”

“Importante, ‘yung sa pagtuturo…simulan siya sa early stages. ‘Yung kindergarten hanggang Grade 3. Kasi may mga pag-aaral na kung hindi ito mabibigyang tuon doon sa unang key stage natin, mahihirapan na siya na mag-catch up pagdating ng Grade 4 pataas,” ang sinabi ni Buenviaje sa isang panayam.

Matatandaang inilunsad ng DepEd noong 2023 ang revised K-10 curriculum ng K-12 program. Sa ilalim ng recalibrated curriculum, na ngayon ay nasa ‘phased implementation’, ang bilang ng learning competencies ay nabawasan ng 70% mula sa 11,700 hanggang 3,600.

Tinapyasan din ng DepEd ang bilang ng mga subject, na may higit na diin na ibinibigay sa foundational skills ng Kinder hanggang Grade 3 learners gaya ng “literacy, numeracy, at socio-emotional skills.”

Sa kabila ng pagsisikap ng DepEd, binigyang-diin ng Buenviaje na ang pagtugon sa functional illiteracy ay hindi magagawa ng ahensya lamang, dahil ang problemang ito ay dahil sa ibang dahilan gaya ng ‘poor nutrition.’

“Naniniwala tayo na ang nutrisyon at literisiya ay hindi pwedeng paghiwalayin. Kaya nga ang ginagawa ng DepEd ay paglalagay ng maayos na batayang pundasyon. Meron tayong access to early childhood nutrition at strong literacy program sa K to 3,” dagdag na wika nito.

Kasunod ng pagpapalabas ng 2024 FLEMMS result, muling pinagtibay ni Education Secretary Sonny Angara ang commitment ng DepEd na tiyakin na ang bawat mag-aaral sa bansa ay “functionally literate.”

“Hindi namin hahayaang may batang nahuhuli sa pagbasa at pag-unawa [we will not let any learner fall behind in reading and comprehension]. The recent FLEMMS results on functional literacy highlight what we have long recognized—literacy must be at the heart of our education reforms,” ang sinabi ng Kalihim.

“Ensuring that every Filipino learner is functionally literate is a commitment we owe to our constituents,” dagdag niya.

Samantala, nanawagan si Senador Loren Legarda, Komisyoner ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), ng agarang pagtutok sa pagpapalakas ng pundasyong kaalaman ng mga mag-aaral matapos lumabas sa datos na 18.9 na milyong Pilipino na nagtapos mula sa basic education system ng bansa mula 2019 hanggang 2024 ay itinuturing na “functionally illiterate”.

Ibinunyag ang nakababahalang impormasyong ito sa isang pampublikong pagdinig ng Senate Committee on Basic Education batay sa presentasyon ng Philippine Statistics Authority (PSA) hinggil sa paunang resulta ng 2024 Functional Literacy, Education and Mass Media Survey (FLEMMS).

Ang FLEMMS ay isang nationwide survey na isinasagawa kada limang taon. Kamakailan, nagpatupad ito ng bagong metodolohiya sa pagsukat ng basic at functional literacy sa Pilipinas.

Sa bagong depinisyon ng “functional literacy,” hindi na sapat na marunong lang bumasa, sumulat, at magbilang—kasama na rin dito ang mas malalim na pag-unawa, tulad ng pag-uugnay ng impormasyon at pagbuo ng sariling paliwanag mula sa binasa.

“Ang foundational learning, na matagal nang isinusulong ng EDCOM II, ang dapat maging pangunahing prayoridad. Kapag hindi natutong bumasa o kulang sa pundasyong kasanayan ang isang bata pagsapit ng Grade 3, unti-unti na siyang maiiwan sa lahat ng asignatura—dahil ang lahat ng pagkatuto ay nakasandig sa kakayahang umunawa at magproseso ng impormasyon,” paliwanag ni Legarda.

“Ang pagbasa na may pag-unawa ang siyang nagbibigay-daan sa malayang pag-iisip, pag-usisa, at panghabambuhay na pagkatuto. Hindi lang nito tinutulungan ang mga bata na makasagot sa mga tanong, tinuturuan din silang magtanong ng tama at umunawa sa mundo nang may layunin at direksyon,” dagdag niya.

Nagbabala pa si Legarda na ang malawakang functional illiteracy ay hadlang sa pag-unlad para sa lahat, nagpapahina sa kakayahan ng mga Pilipinong makipagsabayan sa mabilis na takbo ng trabaho, at lalo pang nagpapalalim ng hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan. Kris Jose