MANILA, Philippines – Pumirma ng memorandum of agreement (MOA) ang Department of Education (DepEd) at Private Sector Advisory Council (PSAC) Jobs Committee nitong Huwebes, Agosto 8 para simulant ang enhanced work immersion program sa mga estudyanteng Pinoy.
Sinaksihan mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pirmahan sa Malacañang Palace.
Ayon sa PSAC, tampok sa kasunduan ang ilang element katulad ng enhanced work immersion experience para sa mga estudyante, curriculum alignment na nagbibigay ng mas maraming oras sa mga estudyante na matuto ng mga kasanayan na angkop sa kasalukuyang industry standards, teachers’ training sa epektibong paggabay sa mga estudyante, at job fairs at matching opportunities sa buong bansa.
Sinabi ng PSAC na layon ng inisyatibo na pagdugtungin ang gap sa pagitan ng theoretical education at practical industry experience, upang mas maging attractive ang mga estudyante sa potential employers.
Kabilang sa first responders mula sa mga industriya ay ng pagbubukas ng kanilang mga pinto sa enhanced work immersion program para sa senior high schools, ay ang Semiconductors and Electronics Industries in the Philippines (SEIPI), IT Business Processing Association of the Philippines (IBPAP), Philippine Constructors Association (PCA), Confederation of Wearables Exporters of the Philippines (CONWEP), Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), Employers Confederation of the Philippines (ECOP), iPeople through the National Teachers College (NTC), SM Group at Philippine Center for Entrepreneurship (Go Negosyo).
Sampong paaralan naman sa buong bansa, kabilang ang isang specialized sa Alternative Learning System (ALS), ang nakatakdang lumahok sa pilot program.
Ang mga paaralan ay maaaring pumili ng focus areas katulad ng IT-BPM, tourism and hospitality, agriculture and entrepreneurship, at manufacturing, o mga sector na kilala sa pagkakaroon ng mataas na demand sa mga manggagawa at maraming job opportunities.
Noong Hulyo, sinabi ni Marcos na hindi naabot ng K to 12 program ang target nitong pataasin ang employability ng mga graduates sa Pilipinas.
Pinag-usapan na ng Pangulo at ni Secretary Sonny Angara ang programa bago pa maupo bilang kalihim ng DepEd.
Sa kasalukuyan ay nasa proseso na ang Department of Education sa pagsuri ng curriculum para sa Grades 11 at 12 upang makapagproduce ng mas maraming job-ready at responsableng mga graduate. RNT/JGC