MANILA, Philippines – Nagsimula na ang Metropolitan Manila Development Authority sa paglilinis ng mga spaghetti wires sa Intramuros, Manila
Ayon sa pahayag ng ahensya nitong Huwebes, Agosto 8, isinagawa ang cleaning operation kasama ang Meralco at Intramuros Administration (IA) na layong pagandahin ang lugar at maging “preventative measure” upang maiwasan ang mga posibleng aksidente dahil sa mga kable.
“Intramuros has entered the tentative list of UNESCO World Heritage Sites and the clearing of dangling wires is just the start of the IA’s plans and actions to restore the beauty and significant history of the Walled City of Manila,” sinabi ni Intramuros Administrator Joan Padilla.
Ayon sa MMDA, inabisuhan na ang mga telecommunication companies at internet providers patungkol sa operasyon at pag-aalis ng mga kable.
Magpapatuloy naman ang IA sa pagpapatupad ng mga panuntunan laban sa paglalagay ng mga kable sa lugar, habang sinabi ni Meralco Foreign Attachment Management Operations at Control officer Armando Torres na ang mga kable ay hindi basta-basta aalisin nang hindi nakipag-ugnayan sa mga telco provider.
Noong Hunyo ay inaprubahan ng Metro Manila Council ang resolusyon na humihimok sa mga local na pamahalaan sa Metro Manila na magpatupad ng mahigpit na panuntunan laban sa mga sala-salabat na kable at overhead cables sa mga lugar.
Sa ilalim ng House Bill No. 10427 o “Anti-Dangling Wires Act of 2024,” na inihain noong Mayo, layon nitong alisin ang mga spaghetti wire upang maiwasan ang mga posibleng aksidente.
“The presence of non-operational overhead cable TV and telephone wires hanging precariously from poles, trees and high-rise structures has become a significant nuisance, not only because of its unsightly appearance, but primarily because of the conceivable accident it may cause,” saad sa explanatory note ng panukala.
Suportado ng ilang public utility providers ang panukala, kabilang ang Meralco at PLDT, na kapwa nagsabing sinimulan na nila ang pag-aalis ng mga hindi ginagamit na kable. RNT/JGC