Home NATIONWIDE Pagpwersa sa PNP generals na makipag-usap sa ICC, pinabulaanan ng solon

Pagpwersa sa PNP generals na makipag-usap sa ICC, pinabulaanan ng solon

MANILA, Philippines – Hindi binanggit ang prospect ng pagtestigo sa International Criminal Court laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte o Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa usapan sa pagitan nina House Speaker Martin Romualdez at Police Maj. Gen. Romeo Caramat Jr., sinabi ni House Committee on Appropriations Chairperson Rep. Elizaldy Co.

Nag-isyu si Co ng pahayag matapos sabihin ni Dela Rosa na naroon ang AKO BICOL party-list representative at si Romualdez nang sinubukan ni dating Senador Antonio Trillanes IV na kumuha ng mga dati at kasalukuyang pulis na nasa ilalim ng Blue Notice ng Interpol, na tumestigo laban kay Duterte.

Sa pahayag, sinabi ni Co na dalawang beses niya lamang nakaharap ng personal si Caramat.

Ang una umano ay noong 2023 nang ipakilala ang opisyal sa kanya na naglalayon na iendorso para sa pwesto sa Philippine National Police at ang ikalawang pagkakataon ay noong mga nakalipas a buwan sa townhouse ni Romualdez.

“When I arrived, Gen. Caramat was already there. From the conversation, I heard that he was willing to tell everything he knows about EJKs (extrajudicial killings) in exchange for his appointment as Chief, PNP,” ani Co.

“This was flatly rejected by Speaker Romualdez. First, the speaker said appointments are based on the President’s trust and confidence, and second, he cannot endorse in exchange for some consideration. There was never any mention of testifying against anyone before the ICC,” giit pa ng mambabatas.

“I never met Generals Albayalde, Leonardo and Mata,” dagdag ni Co.

Nitong Huwebes, Agosto 8, ay binatikos ni Dela Rosa ang imbestigasyon ng Kamara sa madugong drug war ni Duterte, sa pagsasabing isa itong hakbang para durugin ang posibleng 2028 bid ni Vice President Sara Duterte.

“They will erase their perceived opposition,” ani Dela Rosa.

Nitong Miyerkules, inimbestigahan ng mga lider ng komite ng Kamara ang umano’y extrajudicial killings sa drug war ni Duterte, at mga krimeng may kaugnayan sa illegal Philippine Offshore Gaming Operators, at illegal drugs.

Itinanggi naman na politically motivated ang joint probe.

“Hindi ito pulitika, hindi ito related sa political persecution. Ginagagawa lang po namin ang trabaho namin nang sa ganoon maiayos natin ‘yung mga ahensya ng gobyerno at mga kawani ng gobyerno na tiwali,” sinabi ni House Committee on Dangerous Drugs Chairperson Rep. Robert Ace Barbers.

“In every hearing that we have conducted, ako, especially sa akin, never kong na-issue or nabanatan or tinira ang Vice President. Never. It’s always the PNP, hindi ba? …We never mentioned VP Sara and we have no intention,” dagdag naman ni House Committee on Public Order and Safety Chairperson Rep. Dan Fernandez. RNT/JGC