MANILA, Philippines — Iniharap ng kampo ni Vice President Sara Duterte sa impeachment court ang umano’y SALN ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang kuwestiyunin ang testimonya tungkol sa pagbabawal sa Pangulo at Bise Presidente na makilahok sa negosyo.
Sa cross-examination kay dating Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang nitong Lunes, tinanong ni defense lawyer Mark Vinluan kung saklaw ng constitutional prohibition ang mga business at financial interests na nakalista umano sa SALN ni Marcos noong Disyembre 31, 2025.
Tutol dito si House prosecutor Chel Diokno, sinabing hindi pa authenticated ang kopya ng SALN at hindi pa napatutunayang ito nga ang opisyal na dokumentong inihain ng Pangulo.
Pinayagan ni impeachment court Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero na maitanong ang usapin, ngunit sinabi niyang maaari pang dumaan sa proper marking at authentication ang dokumento.
Hindi naman sinagot ni Cabotaje-Tang ang tanong hinggil sa partikular na SALN ni Marcos.
Sa ilalim ng Article VII, Section 13 ng 1987 Constitution, ipinagbabawal sa Pangulo at Bise Presidente, habang nasa puwesto, ang direktang o hindi direktang paglahok sa negosyo. Hiwalay ding ipinagbabawal ang financial interest sa kontrata, franchise o special privilege na ipinagkaloob ng gobyerno.
Dahil dito, ang simpleng pagkakalista ng isang “business or financial interest” sa SALN ay hindi, sa sarili lamang nito, sapat upang sabihing napatunayan nang lumabag sa nasabing constitutional prohibition ang isang opisyal.
Ginamit ng depensa ang usapin habang kinukuwestiyon ang expert testimony ni Cabotaje-Tang sa Article II ng impeachment complaint laban kay Duterte, na may kaugnayan sa umano’y unexplained wealth at financial disclosures. RNT