MANILA, Philippines – Iginiit ng defense team ni Vice President Sara Duterte nitong Martes, Agosto 4, na walang misuse o misappropriation sa confidential funds ng Office of the Vice President, kasabay ng pagsasabing hindi pa napatutunayan ng prosekusyon ang mga alegasyon nito sa Senate impeachment court.
Inilabas ni defense spokesperson Atty. Michael Poa ang pahayag matapos ang pagdinig sa impeachment case at muling itinangging may pondong inilipat o napunta kay Duterte.
“I have always maintained my position that there is no misuse. There is no misappropriation. There were no diversions to the Vice President,” ani Poa.
Sinabi ni Poa na kailangan pang magharap ng karagdagang ebidensya ang prosekusyon upang mapatunayan ang mga paratang nito at iginiit na hindi sapat ang testimonya ng iisang saksi mula sa Commission on Audit.
“They will not be able to prove all that with just one COA witness,” aniya.
Dagdag pa niya, magpapatuloy ang magkabilang panig sa paghaharap ng kani-kanilang ebidensya, habang ang mga senator-judge ang magpapasya kung sapat ang mga ito upang suportahan ang mga paratang laban kay Duterte. RNT