Home NATIONWIDE Gitna at Hilagang Luzon, binaha, nagka-landslide kay Bagyong Luis

Gitna at Hilagang Luzon, binaha, nagka-landslide kay Bagyong Luis

1
0

MANILA, Philippines – Nagdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa sa ilang bahagi ng Gitna at Hilagang Luzon nitong Martes, Agosto 4, ang patuloy na pag-ulan bunsod ng habagat at dating Tropical Depression Luis, dahilan upang maantala ang biyahe, maisara ang ilang kalsada, at lumikas ang ilang pamilya.

Sa Science City of Muñoz, Nueva Ecija, umabot hanggang tuhod ang baha sa isang pangunahing kalsada sa Barangay Bagong Silat, kaya nahirapang makadaan ang mga motorista at residente.

Apektado rin ng baha ang 14 barangay sa Cabanatuan City, kabilang ang Barangay San Juan ACCFA, kung saan umabot hanggang tuhod ang tubig sa gitnang bahagi ng isang kalsada. Ilang pamilya ang inilikas habang gumamit ng bangka ang ibang residente upang makalipat sa mga binahang lugar.

Sa Barangay Cabilocaan, Calasiao, Pangasinan, nilubog ng baha ang isang covered court. Ayon sa mga residente, matagal nang problema ang pagbaha dahil mababa ang lugar at kulang ang drainage system. Sinabi ng mga opisyal ng barangay na plano nilang pagbutihin ang drainage network.

Nagkaroon din ng landslide sa Adams, Ilocos Norte matapos bumagsak ang putik at mga bato sa isang kalsada. Agad nagsagawa ng clearing operations ang mga awtoridad at nagbabala na maaari pang magkaroon ng pagguho ng lupa kapag nagpatuloy ang malakas na ulan.

Nanatiling apektado ang ilang kalsada sa Cordillera region dahil sa soil collapse, rockfall, at mudflow na dulot ng mga pag-ulang iniwan ni Luis.

Ayon sa Department of Public Works and Highways-Cordillera, pansamantalang sarado ang Tawang–Ambiong Road sa Benguet dahil sa pagguho ng lupa at pagbagsak ng mga bato.

Isang lane lamang ang madaraanan sa Governor Bado Dangwa National Road sa Poblacion, Kibungan, at sa isa pang bahagi nito sa Daclan, Tublay dahil sa rockfall at gumuhong stone masonry.

Nanatili namang sarado sa mga hindi residente ang Kennon Road sa Baguio City dahil sa patuloy na pag-ulan. Pinayuhan ang mga motorista na dumaan sa Marcos Highway at iba pang mas ligtas na alternatibong ruta.

Sa Apayao, isang lane lamang ang madaraanan sa Conner–Kabugao Road sa Luttuacan, Kabugao dahil sa landslide. One-lane passable din ang Apayao–Ilocos Norte Road sa Poblacion, Kabugao dahil sa mudflow.

Nananatiling nakaantabay ang emergency response equipment sa Isabela kahit humina na si Luis at naging low-pressure area. Patuloy ding ipinatutupad ang no-swimming, no-sailing, at no-fishing policy, gayundin ang liquor ban, dahil sa maalon na karagatan at malalakas na hangin sa mga baybaying lugar.

Wala namang naiulat na inilikas, nasugatan, o nasawi sa Isabela dahil sa sama ng panahon.

Nakatulong din ang pag-ulan upang tumaas ang lebel ng tubig sa Magat Dam matapos ang ilang buwang tuyong panahon, na pakikinabangan ng mga magsasakang umaasa sa dam para sa irigasyon.

“Ang mga pag-ulan nito ay sabihin natin na nag-increase ang elevation. However, hindi pa tayo kampante kasi baka pag-alis ng bagyo ay maranasan na naman ang continuous na walang pag-ulan,” ayon kay Engineer Gileu Michael Dimoloy, department head ng National Irrigation Administration–Magat River Integrated Irrigation System.

Alas-10 ng umaga nitong Martes, umabot sa 165.41 metro ang lebel ng tubig sa Magat Dam ngunit nananatili itong nasa kritikal na antas, ayon sa NIA.

Nagbibigay ang dam ng irigasyon sa humigit-kumulang 95,000 ektarya ng sakahan na sinasaka ng mahigit 62,000 magsasaka.

Sinabi ni Dimoloy na kabilang pa rin ang cloud seeding sa mga hakbang ng ahensya upang mapabuti ang suplay ng tubig.

“At least maitawid lang natin hanggang sa pag-ani ng mga farmers. Bago dumating itong bagyo ay nag-conduct tayo ng cloud seeding, and nakita naman natin ‘yung epekto nito,” aniya. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here