
MANILA, Philippines – Nagulat ang mga tagasuporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte nang tanggihan ng International Criminal Court (ICC) ang kanyang hiling na pansamantalang palayain.
Nagtipon ang mga tagasuporta sa national headquarters ng PDP Laban sa Maynila noong Biyernes para sa isang prayer vigil habang hinihintay ang desisyon.
Ayon kay Atty. Yvette Contacto, chairperson ng Legal Affairs Committee ng PDP Laban, ipinakita raw ni Duterte na hindi siya “flight risk” dahil sumunod naman siya sa proseso. Sana raw ay nabigyan siya ng konsiderasyon dahil sa kanyang edad.
Nagsimula ang 24-oras na prayer vigil noong Huwebes, 7 p.m., at marami ang nakilahok online mula sa iba’t ibang probinsya at bansa. Nagbahagi rin ang ilan ng kanilang mga karanasan tungkol sa dating pangulo.
Ikinuwento ni Ronald Adamat, dating CHED commissioner, na naging epektibo raw ang sistema ni Duterte sa Davao City at malaking pagbabago ang nangyari dahil sa kanyang pamumuno.
Kahit hindi pabor sa kanila ang desisyon, sinabi ng PDP Laban na hindi pa tapos ang laban.
Ayon kay Astra Pimentel-Naik, chairperson ng Membership Committee, pansamantala lamang ang hiling na “interim release,” at umaasa silang maabsuwelto pa rin si Duterte sa dulo ng kaso.
Sinabi rin ni Atty. Martin Delgra III, abogado ni Duterte, na “tuloy ang laban hanggang sa dulo.” RNT/MND