Home NATIONWIDE Libo-libong guro nagsagawa ng nationwide strike para sa mas mataas na sahod,...

Libo-libong guro nagsagawa ng nationwide strike para sa mas mataas na sahod, reporma sa edukasyon

268
0

MANILA, Philippines – Libo-libong guro ang tumigil sa regular na klase noong Biyernes, Nobyembre 28, para manawagan ng hustisya, sapat na sahod, at reporma sa sistema ng edukasyon sa Pilipinas.

Pinangunahan ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang nationwide sit-down strike na dinaluhan ng 237 paaralan mula sa 34 lungsod at probinsya sa 14 rehiyon.

Ayon kay ACT Chairperson Ruby Bernardo, ang strike ay paraan ng mga guro para ipakita ang tunay na kalagayan ng edukasyon.

“Ginagawa ng mga guro ang kanilang mga silid-aralan na espasyo ng kritikal na pag-aaral, para ilantad ang korapsyon at kapabayaan ng gobyerno,” aniya.

Sinabi ng ACT na kahit may mga tangkang pigilan ang mga guro—tulad ng gag orders, pagmamanman, at babala ng posibleng parusa—marami pa rin ang lumahok.

Nagsagawa ang mga guro ng buong-araw na alternative classes para talakayin ang lumalalang problema sa public education: kakulangan sa classrooms at kagamitan, korapsyon, at mabagal na proseso sa gobyerno.

Ayon sa ACT, may ilang opisina ng DepEd na naglabas umano ng direktiba para hadlangan ang mga guro at pagbanta ng “consequences” sa sasama sa strike. Pero giit ni Bernardo, ligal at lehitimo ang protesta. Aniya, hindi maaaring ipagbawal ng kahit anong memo ang karapatan ng mga guro na magpahayag at magprotesta.

Ipinunto ng ACT na apat ang pangunahing panawagan nila: dagdag na pondo para sa edukasyon, sapat at disenteng sahod, pananagutan sa mga kaso ng korapsyon, at tunay na reporma sa sistema ng edukasyon.

Maghapon, ginamit ng mga guro ang mga silid-aralan bilang venue ng talakayan tungkol sa maling paghawak ng pondo ng bayan at epekto ng mga palpak at anomalous na proyekto sa imprastraktura.

Binanggit ni Bernardo na ang strike ay pagpapatibay rin sa tunay na layunin ng edukasyon—ang pagtataguyod ng social justice, karapatang pantao, pangangalaga sa kalikasan, at mabuting pamamahala.

Pinuri rin niya ang tapang at pagkakaisa ng mga guro. Aniya, kung hindi kikilos ang gobyerno para ayusin ang krisis, magpapatuloy at lalakas pa ang kilos-protesta ng mga guro.

Nangako ang ACT na lalo pang paiigtingin ang kanilang laban para sa tunay na reporma at pananagutan sa sektor ng edukasyon. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here