Home NATIONWIDE DFA naglabas ng detalye sa karagdagang visa requirement sa Chinese tourists

DFA naglabas ng detalye sa karagdagang visa requirement sa Chinese tourists

MANILA, Philippines – Naglabas ang Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Huwebes, Hunyo 13, ng detalye sa karagdagang requirement para sa mga Chinese national na kukuha ng temporary visitor’s visa.

Ayon sa DFA, oobligahin ang Chinese nationals na nag-aapply para sa 9(a) Temporary Visitor’s Visa at Philippine Foreign Service Posts na magpasa ng kanilang Chinese Social Insurance Record Certificates.

Anang ahensya, ang certificate na ito ay dapat nairehistro sa loob ng anim na buwan sa panahon ng kanilang visa application.

Exempted sa naturang visa requirement ang Chinese citizens na kasalukuyang naka-enroll sa primary, secondary, o college education, kung saan oobligahin naman silang magpasa ng proof of enrollment.

Kasama rin dito ang mga retiree na mahigit 55 taong gulang na ang edad.

Samantala, ikinokonsidera ang case to case basis sa pagbibigay ng iba pang exemptions.

“The additional visa requirement is part of the DFA’s continuing efforts to enhance its visa policies and regulations for the safe and efficient entry of foreign visitors,” saad sa pahayag ng DFA.

Noong nakaraang buwan, inanunsyo ng DFA na hihigpitan ng Pilipinas ang visa requirements nito para sa mga turistang Chinese sa kabila ng kabi-kabilang panloloko na natatanggap ng embahada at konsulado nito sa China.

Ani Foreign Affairs Undersecretary Jesus Domingo, layon ng mas mahigpit na visa requirements na kalusin ang mga “illegitimate and unsavory” tourists mula sa mga lehitimong turista.

Ilan sa mga Chinese national ang iniulat na sangkot sa mga krimen katulad ng human trafficking, prostitution, kidnapping, at fraud.

Sa kabila nito, ibinabala ng Philippine Travel Agencies Association (PTAA) na posibleng magkaroon ng negatibong epekto sa ekonomiya ng bansa ang mas mahigpit na visa rules para sa mga Chinese national.

“Chinese tourists are a major source of income for the Philippines, so making it harder to visit could discourage tourism and hurt businesses. They might even be the ones to give travel advisories not to go to the Philippines,” pahayag ni PTAA president Evangeline Tankiang-Manotok sa panayam ng GMA News.

“They also spend on accommodations, shopping, and food, so that has also increased our economy,” dagdag pa niya.

Sa unang apat na buwan ng 2024 ay mahigit 140,000 Chinese individuals ang dumating sa bansa, doble sa bilang na naitala sa kaparehong panahon noong 2023. RNT/JGC