Home OPINION PBBM TUNAY NA MAY MALASAKIT SA MAGSASAKA’T MANGINGISDA

PBBM TUNAY NA MAY MALASAKIT SA MAGSASAKA’T MANGINGISDA

RAMDAM ng taumbayan ang ginagawang pagtugon ng kasalukuyang administrasyon sa mga nangangailangang sektor lalo na ang mga mangingisda’t magsasaka na madalas maapektuhan ng anomang kalamidad na tumatama sa ating bansa.

Tama si Pangulong Bongbong Marcos na ang sektor na ito na itinuturing na taga-suplay ng pagkain sa kanayunan at kalunsuran ay marapat na higit na tulungan bunsod na kung wala sila, wala ring pagkain sa hapag kainan ng mga pamilya.

Kaya naman sa pag-iikot ni Pangulong Marcos sa bawat rehiyon upang ipatupad ang Presidential Assistance for farmers and fisherfolks na naglalayong matulungan ang grupong ito sa epekto ng El Nino o malawakang tagtuyo ay bitbit nito ang iba’t-ibang ayuda mula sa mga ahensyang tumutugon sa mga pangangailangan nang tinatawag na food producers ng bansa.

‘Andyan ang Department of Social Welfare and Development o DSWD na agarang namigay ng tig-10,000 libong piso sa bawat magsasaka’t mangingisdang apektado ng kuwaresma bukod pa sa binigyan din sila ng seedlings, bangka, kagamitan sa pagsasaka at iba pang farm implements na iginawad para madaling makabangon sa tama ng kawalan ng tubig sa mga palayan at taniman.

Sabi nga ng mga kababayan natin, ito ang tunay na “whole of nation approach” na ginagawa ng kasalukuyang namumuno dahil pati ‘yung mga magsasaka na matagal na panahon nang alipin ng mga panginoong may lupa ay binigyan na rin ng sariling sakahan sa pamamagitan ng titulo ng lupa na ipinamahagi naman ng Department of Agrarian Reform o DAR.

Paano nga naman makukumbinsi ang sektor na ito na tulungan ang gobyerno sa isinusulong nitong food security kung patuloy silang nakikisaka sa mga “burgis” na nagmamay-ari ng malalawak na lupain sa bansa?

Hindi ba’t malaking ginhawa sa mga nagtatanim na may sariling lupa na silang kaya nang itawid ang kanilang pamilyang umaasang hindi tulad ng dati na kakarampot lang ang kinikita bunsod sa ang malaking ani ay napupunta bilang bayad sa lupa ng mga panginoon?

Batid ni PBBM ang hinaing ng sektor na ito kaya naman katuwang nila ang pamahalaan tuwing bumabangon ito mula sa hagupit ng anomang kalamidad sa tumatama sa kanilang kabuhayan.