
Tumataginting na P6 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska ng operatiba ng iba’t ibang unit ng Police Regional Office 3 na nagresulta rin sa pagkakadakip ng ilang drug dealer at user.
Ang ‘shabu haul’ ay bunga ng magkakahiwalay na matagumpay na drug bust na isinagawa kamakailan alinsunod sa pumatok na pinaigting na intelligence – driven tactics na iniutos ni PBGen. Jose ‘Daboy’ Hidalgo, Jr.
Ikinatuwa ng butihing “Ama ng PRO 3” na naging maayos ang naturang drug operation, natupad aniya, ang purpose dahil nasunod ang “true essence of the new approach on this problem on drugs.
Layon ng bagong estratehiya na maging pulido ang kilos ng pulisya sa pagsasagawa ng drug bust na walang masasaktan, lalo’t magbubuwis ng buhay, paliwanag ni Hidalgo.
Ang bagong game plan na ito ni Hidalgo ay sagot sa panawagan ni Phililippine National Police chief PGen. Rommel Marbil na ‘change of strategy’, kaiba sa marahas na drug war ng lideratong Duterte.
Libo-libo ang namatay sa kasagsagan ng “operation tokhang” na iniutos ni dating Pangulong Digong Duterte, dahilan para pagpiyestahan ng international human right advocates ang ating bansa.
Mula noong nakaraang administrasyon hanggang ngayong pamunuan ay hindi naputol bagkus tuloy-tuloy, nakapulapol sa Pilipinas ang tatak berdugo kaya, marahil nagsalita na si Pangulong Marcos.
Kung ang mga pahayag ni PBBM ang basehan, malinaw na ‘taboo’, wala nang puwang ang Duterte style na pagtugon sa problema ng droga. Nais ng Pangulo ang “bloodless war on drugs”.
Hindi lamang sa PRO3, kundi sa ibang police regional command, ang mga police commander ay dapat kumikilos na rin para magkaroon ng taktika o bagong estratehiya kontra illegal drugs.
After all, ito ang naiisip na tatahakin ng PBBM leadership para magkaroon ng positibong pananaw sa Pilipinas na nasadlak sa kahihiyan dahil sa madugong war on drugs ng nakaraang gobyerno.