MANILA, Philippines – Nagpahayag ng pangamba si PDP Laban senatorial candidate Raul Lambino na posibleng hindi maging patas ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte dahil sa mga mambabatas na may planong tumakbo sa pagkapangulo sa 2028.
Ayon kay Lambino, nangunguna sa survey sina Duterte at isang incumbent senator bilang mga pangunahing kandidato sa pagkapangulo, habang may iba pang senador na may ambisyong tumakbo sa mataas na posisyon. Aniya, maaaring makinabang ang ilang mambabatas kung ma-disqualify si Duterte.
Matapos ihayag ang kanyang pagnanais na tumakbo sa 2028 presidential elections, na-impeach si Duterte noong Pebrero, kung saan mahigit 200 mambabatas ang sumuporta sa ikaapat na impeachment complaint laban sa kanya. Nakatakdang magsimula ang Senate trial sa Hulyo 30.
Nagsampa na ng petisyon si Duterte sa Korte Suprema para kuwestyunin ang legalidad ng impeachment case. RNT