Home NATIONWIDE DICT kinalampag sa pagtatayo ng Philippine Anti-Scam Center vs cyber scammer

DICT kinalampag sa pagtatayo ng Philippine Anti-Scam Center vs cyber scammer

MANILA, Philippines – Matinding kinalampag ng isang senador ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa pagtatayo ng Philippine Anti-Scam Center upang tugunan ang lumalala at lumalakas na cyber scammer sa bansa kahit wala ang POGO.

Sa deliberasyon ng badyet ng DICT, iginiit ni Senador Alan Peter Cayetano sa DICT na kailangan ang agarang pagkilos sa pagtatag ng sentro upang mailatag ang knakailangan pondo at polisiya sa nasabing ahensiya.

“Go to Singapore and Hong Kong because they have anti-scam centers in one office, nandoon na y’ung pulis, y’ung mga IT personnel, at yung mga bangko,” ayon kay Cayetano.

Ipinaliwanag ng senador ang aktibong hakbang ng naturang bansang sa pagtugon laban sa iba’t ibang uri ng scam na nagpapakita ng pangangailangan para sa Pilipinas na magkaroon ng katulad na sistema sa gitna ng mas sopistikadong scammer.

“Parang sanay pa rin tayo sa pa-isa-isang scam. Pero lahat ng scam na nabanggit dito at sa ibang Senate hearings, nandoon na [sa kanila],” aniya.

Binanggit din ni Cayetano na ang pagkakaroon ng mahusay na anti-scam system na hindi lamang makababawas sa bilang ng scam kundi makatutulong din sa pagbawi ng malalaking halaga ng pera, gaya ng napatunayan sa tagumpay ng Singapore.

“In the last two years, ang na-recover ng Singaporean government for those na na-scam is more than 600 million Singaporean dollars,” wika niya.

Ang Anti-Scam Command (ASCom) ng Singapore, na naging operasyonal noong March 2022, na pawang sentralisado sa pag-iimbestiga ng mga scam, pagtugon sa insidente, at pagpapatupad ng batas na pinamamahalaan ng iisang ahensya.

Nanawagan si Cayetano kay DICT Secretary Ivan John Uy na simulan ang mga hakbang upang maitatag ang isang anti-scam center.

“May I bring that up to you na sana next budget, next year, mayroon na tayong sariling anti-scam center na baka pwede ninyong pangunahan,” aniya. Ernie Reyes