Home OPINION DIGMAAN SA IRAN, ISANG NAPAKA-PINOY NA PROBLEMA

DIGMAAN SA IRAN, ISANG NAPAKA-PINOY NA PROBLEMA

473
0

HABANG may bahagyang ginhawa sa posibilidad ng pagbabago sa Iran matapos ang pagkamatay ng kanilang pinakamataas na lider sa mga pag-atakeng US-Israeli, nananatiling malayo ang kapayapaan sa Middle East.

Una, walang malinaw na plano para sa isang matatag na paghalili sa pamumuno — lalo na kung tatalikod ba ito sa teokratikong ideolohiyang namayani mula pa noong 1979. Ikalawa, hindi hiwalay ang panloob na krisis ng Iran sa umiinit nitong sigalot sa mga karatig-bansang Arabo. Hindi lamang mga pasilidad militar ng US sa Kuwait, Qatar, at Bahrain ang tinamaan ng mga drone; binomba rin ang mga sentro ng lungsod tulad ng Dubai at Abu Dhabi, pati mga sibilyang target sa Tel Aviv.

Mas seryoso ang implikasyon ng pagsasara ng Strait of Hormuz, kung saan hindi pinadaraan ang mga barko. Ito ang pinakamahalagang lagusan ng langis sa mundo, dinaraanan ng humigit-kumulang 20% ng suplay ng krudo. Walumpung porsyento nito ay patungong Asya, at malaking bahagi ay sa China. Ang ganitong hakbang ay hindi lamang usaping panrehiyon; maaari itong magdulot ng pandaigdigang pagkagambala sa suplay at pagtaas ng presyo ng enerhiya.

Sa mas malawak na konteksto, ginamit din ng Estados Unidos ang pagkakataon upang palakasin ang impluwensya nito sa merkado ng langis, kabilang ang pagkontrol sa eksport ng Venezuela at pag-imbita sa China at Russia na bumili mula sa kanila. Habang sumisikip ang suplay dahil sa kaguluhan sa Middle East, mas tumitibay ang posisyon ng Washington sa pandaigdigang enerhiya.

Sa unang tingin, tila malayong usapin ito para sa Pilipinas. Ayon pa nga sa pamahalaan, wala raw “direktang banta” sa bansa. Ngunit ang pagkamatay ng isang Filipinang caregiver sa Israel ay paalala na hindi hiwalay ang ating mga kababayan sa ganitong krisis. May daan-daang libong OFW sa rehiyon na maaaring maapektuhan ng anomang paglala ng digmaan.

Kahit malayo ang Pilipinas — 7,000 hanggang 8,000 kilometro mula sa mga lugar na binobomba — hindi tayo ligtas sa epekto nito. Kapag nagambala ang daloy ng langis, tumataas ang presyo ng krudo, insurance, at freight. Agad itong nararamdaman sa pamasahe, presyo ng bilihin, at kabuuang galaw ng ekonomiya. Mas maikli ang distansya sa pagitan ng nakaharang na ruta ng langis at ng bulsa ng isang Pilipino kaysa sa pagitan ng Maynila at Middle East.

Maaaring walang direktang banta sa aspetong militar, ngunit sa usaping istratehiko at pang-ekonomiya, malinaw na apektado tayo. Sa reyalidad ng globalisadong mundo, ang digmaan doon ay may bigat din dito.

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here