Home NATIONWIDE Digong ‘di ihaharap sa lokal na korte sa Netherlands – envoy

Digong ‘di ihaharap sa lokal na korte sa Netherlands – envoy

MANILA, Philippines — Kinumpirma ni Philippine Ambassador J. Eduardo Malaya na hindi haharap si dating pangulong Rodrigo Duterte sa lokal na korte sa Netherlands, kundi sa International Criminal Court (ICC) lamang, kung saan siya ay kasalukuyang nakakulong sa ICC Detention Center sa The Hague.

Ayon kay Malaya, alinsunod sa Rome Statute, hindi kinakailangan na dalhin ang isang inarestong tao sa lokal na korte ng Netherlands, at lahat ng pagdinig ay magaganap sa ICC.

Matapos ang kanyang pagsuko at pag-aresto, ipinaliwanag ng international law expert na si Rodel Taton na susunod na hakbang ang pagkumpirma ng pagkakakilanlan ni Duterte at ng mga kasong isinampa laban sa kanya. Magpapasya ang Pre-Trial Chamber ng ICC kung itutuloy ang paglilitis.

Inaresto si Duterte pagdating niya mula Hong Kong, dala ang arrest warrant ng ICC para sa kasong crimes against humanity kaugnay ng kampanya kontra droga ng Pilipinas mula Nobyembre 2011 hanggang Marso 2019.

Bagamat umatras ang Pilipinas sa Rome Statute noong 2019, nananatili ang hurisdiksyon ng ICC sa mga krimeng naganap noong miyembro pa ang bansa. RNT