MANILA, Philippines — Nahaharap si Honeylet Avanceña, partner ni dating pangulong Rodrigo Duterte, sa kasong direct assault matapos umano niyang masaktan ang isang pulis habang isinasagawa ang pag-aresto kay Duterte batay sa warrant mula sa International Criminal Court (ICC), kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) nitong Huwebes.
Ayon kay PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo, pinalo umano ni Avanceña ng cellphone ang isang babaeng pulis, na nagresulta sa malaking bukol sa noo ng opisyal. Dinala ang pulis sa ospital para gamutin.
Dagdag ni Fajardo, may video na nagpapatunay ng insidente, na nagpapakita ng pananakit ni Avanceña sa pulis.
Wala pang pahayag mula kay Avanceña hanggang sa kasalukuyan.
Naaresto si Duterte noong Martes ng umaga batay sa warrant ng ICC para sa kasong crimes against humanity kaugnay ng kanyang anti-drug campaign. Kasalukuyan siyang nakakulong sa Hague Penitentiary Institution sa Netherlands habang naghihintay ng paglilitis. RNT