Home HOME BANNER STORY Digong ibinulong kay PBBM mga napag-usapan nila ni Xi

Digong ibinulong kay PBBM mga napag-usapan nila ni Xi

MANILA, Philippines – NAGPULONG sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Palasyo ng Malakanyang, Miyerkules ng gabi, Agosto 2.

Pinag-usapan ng mga ito ang naging pakikipagpulong ni Duterte kay Chinese President Xi Jinping sa Beijing.

Mainit na tinanggap naman ni Pangulong Marcos at kanyang gabinete na sina Executive Secretary Lucas Bersamin, Special Assistant to the President Secretary Antonio Lagdameo Jr., National Defense Secretary Gilbert Teodoro, Solicitor General Menardo Guevarra at Presidential Communications Office Secretary Cheloy Garafil si Duterte sa Malakanyang ng alas-6:15 ng gabi.

Kasama naman ng dating Pangulo sina Senador Christopher Go at dating Executive Secretary Salvador Medialdea.

Noong nakaraang buwan, nakipagpulong si Duterte kay Xi sa Diaoyutai State Guesthouse sa Beijing.

Maliban sa pinag-usapan ang naging miting ni Duterte kay Xi, pinag-usapan din nina Pangulong Marcos at Duterte ang ibang isyu.

Binigyan naman ng dating Pangulo ng ilang “good pieces of advice” si Pangulong Marcos.

Sa pagdating sa Malakanyang, kaagad na nagdaos ng one-on-one meeting sina Pangulong Marcos at Duterte.

Matapos ito ay sumama na rin sa pulong ang mga nabanggit na cabinet secretaries at sina Go at Medialdea.

Natapos ang meeting ng alas- 8:15 ng gabi.

Samantala, nauna nang sinabi ni Pangulong Marcos, na umaasa siya na ang inisyatiba ni Duterte ay makapagpapalakas sa ugnayan ng Pilipinas at China, at makatutulong ito sa dalawang bansa para lutasin ang mga pagkakaiba. Kris Jose