Home NATIONWIDE State of calamity sa Benguet

State of calamity sa Benguet

MANILA, Philippines – Nagdeklara na rin ang Benguet ng state of calamity dahil sa malawakang pinsalang dulot ng Super Typhoon Egay sa komunidad, imprastraktura, at ekonomiya ng lalawigan, ani Gov. Melchor Diclas nitong Miyerkules.

Ayon sa gobernador, naiulat sa 103 sa 140 barangay ng lalawigan ang mga kritikal na insidente tulad ng mga nasirang bahay, nasawi, at mga evacuees.

Idinagdag niya na ang pinsala sa mga pananim, hayop, at pasilidad ng agrikultura ay naiulat sa lahat ng munisipalidad ng Benguet.

Sinabi rin ng Engineering Office ng Benguet na 24 sa 57 provincial roads ang dumanas ng malaking pinsala dahil sa pagguho ng lupa.

Idineklara na rin ang state of calamity sa Bulacan, Pampanga, Cagayan, Ilocos Norte, Bataan, Cavite, Abra, Mountain Province, at Apayao.

Sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, umabot na sa 27 ang nasawi mula kay Egay. Naapektuhan din ng super typhoon ang 765,024 na pamilya (2,856,962 indibidwal) sa 13 rehiyon. RNT