Bulacan – Nasa 11 barangay ang patuloy na binabaha nang aksidenteng mawasak ang dike nitong kasagsagan ng bagyong Carina sa bayan ng Obando.
Sa impormasyong nakalap, nitong kasagsagan ng bagyong Carina ay nagsimulang masira ang maliit na bahagi ng dike hanggang sa lumawak at bumigay ang malaking bahagi nito.
Nalamang nasa 11 barangay na dating hindi binabaha sa bayang ito ay pinasok na ng tubig-alat dahil sa dambuhalang high tide na may taas 4.6 feet na dumadaan sa nasirang dike.
Mula sa 11 barangay na ito ay sadyang nilubog ang mga mababang lugar ng Barangay Pag-asa, Catanghalan at Panghulo.
Dahil dito, mismong ang LGU sa pangunguna ni Mayor Ding Valeda ang nanguna sa pagkumpuni ng dike para pansamantalang mapigilan ang malakas na current ng tubig-alat papasok sa kanilang bayan.
Ayon Kay Valeda, nakipag-ugnayan na siya sa kinauukulan para tuluyang maisaayos sa lalong madaling panahon ang nawasak na dike.
Sinasabing nasa mahigit isang dekada na ang edad ng dike na umanoy nilamon na ng kalawang dahil sa tubig-alat kaya tuluyang nawasak. Dick Mirasol III