MANILA, Philippines- Sinabi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) nitong Lunes na hihilingin nito sa International Criminal Court (ICC) na payagan si dating Pangulong Rodrigo Duterte na manumpa bilang Davao City mayor habang nakaditine sa the Hague sa the Netherlands.
“We recognize the victory of [former president Rodrigo Duterte]. Siya ang dineklara ng Comelec na mayor. Na-proclaim siya the day after elections. Overwhelming mandate. So we recognize him as the mayor,” pahayag ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla.
“Ang gagawin ko na lang magpapaalam ako sa ICC kung puwede pumunta ang consul natin para makapag-oath siya kasi kailangan mag-oath siya to assume office,” dagdag niya.
Subalit, binanggig ni Remulla na dahil wala si Duterte, ang elected vice mayor, ang anak ng dating Pangulo na si Sebastian “Baste” Duterte, ang mamumuno sa lungsod.
“In his absence, the vice mayor will be there…Kailangan physically present. So in his incapacity na hindi niya kayang magsilbi, ang vice mayor muna ang uupo doon,” wika ng opisyal.
Naaresto ang dating Pangulo sa Pilipinas noong March 11 sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng ICC.
Kasalukuyan siyang nasa Scheveningen Prison sa The Hague sa kasong crimes against humanity para sa extrajudicial killings sa war on drugs ng kanyang administrasyon. RNT/SA