MANILA, Philippines – Nag-isyu ng excutive order si Dinagat Islands Gov. Nilo Demerey Jr. para sa mga local government unit, provincial government-line agencies, at publiko na labanan ang tumataas na kaso ng dengue sa probinsya.
“The Provincial Health Office reported 361 dengue cases in Dinagat Islands from January to August 2024,” sinabi ni Demerey sa executive order.
Nagbibigay mandato ang kautusan sa provincial government at government hospitals na bumili ng medical kits na kailangan para sa libreng testing, pag-admit sa mga residenteng hinihinalang may kaso ng dengue, pagpapalakas ng kampanya at pagmonitor sa mga kaso ng dengue.
Nanawagan si Demerey sa lahat ng sector na lumahok sa cleanup drives sa kanilang mga lugar na posibleng pamugaran ng mga lamok na may dengue.
Para protektahan naman ang mga estudyante ay dapat ding gawin ang cleanup drives sa loob ng mga paaralan.
Ipinag-utos din ang information drives sa mga guro, magulang at mga estudyante sa early symptoms ng dengue.
Sa ulat ng Department of Health sa Caraga Region, mayroon nang 7,122 kaso ng dengue sa lugar mula Enero hanggang Agosto 17 ngayong taon.
Ang bilang ay 144 percent na mas mataas kumpara sa mga naitalang kaso sa kaparehong panahon noong 2023. RNT/JGC