NAKAIIYAK ang kalagayan ng edukasyon sa mahal kong Pinas, lalo na ang public education na laging dinurugas.
Iba’t ibang anyo ng pandurugas sa public education sa matagal nang panahon.
Ang natatandaan natin, makaraang bumagsak ang gobyernong martial law noong 1986 at nagkaroon ng 1987 Constitution na nagsasabing pangunahing tungkulin ng gobyerno ang pagsusulong at pagpapaunlad ng edukasyon, higit na pinondohan ang pagbabayad sa mga utang sa bisa ng automatic appropriations.
Nangyari ito mismo sa panahon ni ex-President Cory Aquino para magkaroon umano ng magandang mukha ang Pinas na ihaharap sa mga nagpapautang at sa harap ng pagkabaon sa utang ang bansa sa panahon ni dating ex-President Ferdie Marcos.
Sa matagal ding panahon makaraan at hanggang ngayon, sinasabing mas mataas naman ang badyet ng Department of Public Works and Highways kaysa edukasyon sa ilalim pangunahin ng Department of Education, kasama ang Commission on Higher Education.
Bagaman sinasabing may P22 bilyong badyet ang DepEd na sobra kumpara sa badyet ng DPWH noong 2023, nalagpasan pa rin ng huli ang una dahil naman sa paggamit ng unprogrammed funds na nakokorner ng DPWH at sinasabi ng iba na ganito rin ang nangyari noong 2024 at 2025.
Sa 2026, sinasabing mangingibabaw na ang DepEd at Ched sa DPWH ngunit wala pang nakatitiyak kung mangyayari nga ito, lalo’t pinag-aawayan pa rin kung magkakaroon o hindi ng unprogrammed funds na roon nga nagkakaroon ang DPWH ng mga karagdagang pondo.
NAGBUBUNGA NG KABOBOHAN
Dahil na rin sa kakulangan ng pondo para sa edukasyon, taon-taon na lang na kulelat ang Pinas sa math, science at reading sa mahigit 80 bansa na sinusukat ng Programme for International Student Assessment o PISA.
Ang masaklap, nadadamay na rin sa kapalpakan sa pagtuturo ang mga guro kahit pa pasado ang mga ito sa teacher’s licensure exams at may post graduate na tinapos mula sa master hanggang doctor.
Pagdating sa kolehiyo ng mga kinder, elementarya, high school at senior high school, hindi pa rin maganda ang kalagayan ng mga ito kumpara sa iba sa panukat naman ng Quacquarelli Symonds (QS) World University Rankings.
Sinusukat taon-taon ng QS ang nasa 1,500 unibersidad sa buong mundo.
Para sa 2026, bagama’t pinakamagaling ang University of the Philippines sa Pinas pangunahing mukha ng public education, bumagsak ito sa pang-362 mula sa pang-336 nitong nakaraang taon.
Siyempre pa, may mga nagmula sa public schools na lumipat sa mga pribadong unibersidad ngunit nakatulong lang ang mga ito para makamit ang pang-516 para sa Ateneo, pang-654 para sa La Salle, pang-851–900 bracket para sa Sto. Tomas University, pang-1,001-1,200 bracket para sa Adamson at pang1,400-P1501 bracket para sa Mapua.
Ang masakit pa, kasama sa top 100 ang matatagpuan sa Singapore, China, South Korea, Japan, Hong Kong, at Malaysia na kapitbahay natin o kasama sa Asya at malayo ang agwat nila sa atin, kahit pa sa UP.
Dapat nang itigil ang pandurugas sa edukasyon sa Pinas para makaangat-angat naman ang bansa hindi lang sa edukasyon kundi sa pamumuhay na edukasyon ang pundasyon nito.






