MAY ilang malalaking hamong kinahaharap ng Independent Commission for Infrastructure na nag-iimbestiga sa mga anomalya hindi lang sa flood control projects kundi sa iba pang mga proyekto, halimbawa sa public school at government buildings, barangay road projects, hospitals, tulay at iba pa.
Kabilang sa mga nasabing hamon ang pagdawit o hindi sa lumilitaw na mas malalaking personalidad kay dating Speaker Martin Romualdez, lalo ngayong isa na lang siyang ordinaryong kongresman…kung hindi na nakikialam bilang makapangyarihan pa ring mambabatas.
Kapag pinagsama-sama ang kabuuang bilang ng mga mambabatas na sinasabing posibleng sangkot sa katiwalian sa imprastraktura, gaya ng higit sa 67 kongresman-kontratista o kongtratista, o kaya ‘yung 215 kongresman na pumirma sa impeachment laban kay Vice President Sara Duterte na posibleng may maaanomalya ring infra projects, at hindi maisama sa mga iimbestigahan, makakasuhan at makukulong, may problema ang ICI.
Mismong si Senate pro tempore Ping Lacson ang nagbunyag ng 67 kontratista habang si Navotas Congressman Toby Tiangco ang nagbulgar sa mga pumirma na pinangakuan ng mga proyekto o pagkakitaan sa regular at unprogrammed funds ng pambansang badyet.
Kapag wala ring maiimbestigahan, makakasuhan at makukulong na taga-Malakanyang na may konek din sa mga kongresman o senador kaya, may problema pa rin ang ICI.
Kung may maiimbestigahan, makakasuhan at makukulong man ngunit karamihan o pawang mga oposisyon lang ng kasalukuyang administrasyon, may problema pa rin sa ICI.
Kaugnay naman ng pagpapalakas sa ICI sa pamamagitan ng batas upang magkaroon ng sapat na kapangyarihan gaya ng kapangyarihang direktang magsampa ng kaso at aakto na rin bilang prosecutor, gaya ng mungkahi ni dating Chief Justice Reynato Puno, walang problema dahil posible namang gawin ito sa pangyayaring “extra-ordinary” at hindi labag sa Konstitusyon.
Ngunit kung magbubunga rin lang din lahat sa hindi pagkanti sa mga indibidwal at grupong nabanggit natin sa itaas, baka magiging malinaw na sarsuela lang lahat at lubos na pagtraydor sa taumbayan.






